Inatasan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na isauli hanggang ngayong Huwebes, Disyembre 22, ang P20 milyon na umano’y bahagi ng bribe o extortion money na galing sa kampo ng online gambling operator na si Jack Lam.

Ito ay kasunod ng pag-amin ni Morente na awtorisado niya si dating Acting Immigration Intelligence Chief Charles Calima para magsagawa ng counter intelligence operation sa nagsipagbitiw na BI deputy commissioners na sina Al Argosino at Michael Robles.

Sa memorandum na may petsang Disyembre 21, 2016, iniutos ni Aguirre kay Morente ang pag-turnover sa P20 milyon, sa loob ng 24-oras, sa DoJ o sa National Bureau of Investigation (NBI), na nagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.

Ito ay para umano mapangalagaan ang ebidensiya sa umano’y extortion na kinasasangkutan umano nina Argosino at Robles.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Kasabay nito, inatasan din ni Aguirre si Morente na magsumite sa kanya ng written report kaugnay ng pagtalima sa kanyang direktiba hanggang 5:00 ng hapon ngayong Huwebes.

Ipinasusumite rin ni Aguirre kay Morente ang kopya ng lahat ng report na may kinalaman sa counter-intelligence operation ni Calima bago ito nasibak sa puwesto, maging ang mga hakbangin ni Morente nang matanggap ang mga nasabing ulat.

Ang P30 milyon sa P50 milyon bribe money ay isinauli na nina Argosino at Robles kay Aguirre nitong Disyembre 13.

(Beth Camia)