ANG kanyang tunay na pangalan ay Bellame Guemo, pero mas kilala siya bilang si Lola Dub sa AlDub Nation, ang mga tagahanga nina Alden Richards at Maine Mendoza.
Labing-siyam na taon na siyang may diabetes na may mga complication na rin, kaya twice a day siya nagsasaksak ng insulin. Kung dati ay lagi siyang ipinapasok sa ospital ng kanyang pamilya kapag may karamdaman, ngayon ay hindi na, simula nang maaliw siya sa phenomenal love team, dahil ang pakiramdam niya ay lumakas na siya.
“Nagpapasalamat ako sa mga anak ko na hindi nila ako kinontra sa paghanga ko kina Alden at Maine,” kuwento ni Lola Dub nang kapanayamin namin. “Pinapayagan nila akong pumunta kahit nasaan sila, ipinagagamit sa akin ang car namin at hinahayaan nila ako kahit malayo ang pupuntahan basta may kasama lang ako. Iyong kasambahay ko ang siyang kumukuha ng pictures ng dalawa, kung minsan ay sinasamahan din ako ng apo ko. Hindi nila pinababasa sa akin ang mga articles and tweets sa cellphone ko kung mga bashings laban sa dalawa dahil naaapektuhan ako.”
Sa picture namin unang nakita si Lola Dub, nang sumunod siya sa shoot ng TV commercial ng dalawa sa Fantasy Land sa Dakak. At nakilala namin siya nang personal sa Sunday Pinasaya, nang mag-guest si Maine. Doon nakita namin kung gaano rin kalapit sa kanya sina Alden at Maine dahil nang nalaman na nandoon siya, agad pinuntahan at nagpa-photo op sila kay Lola Dub.
Kuwento ni Lola Dub, punung-puno ng pictures nina Alden at Maine ang kanyang bahay, mula sa labas ng pintuan hanggang sa loob, hanggang sa mga kisame, para nakikita niya ang mga ito kahit nakahiga siya bago matulog.
Pinangalanan na niya ng “The AlDub Gallery” ang kanyang bahay sa Imus, Cavite at bukas ito para sa mga gustong bumisita. Lahat din ng mga kilala niyang dumadalaw sa bahay niya, nagpapa-picture siya at pinalalakihan iyon, at ibinibigay sa kanila bilang souvenir mula sa kanya.
“Kapag nasa Broadway studio sina Alden at Maine, naka-check-in ako sa katapat na hotel para hindi ako mahirapang pumunta dahil kailangang maaga ang audience. Mahirap pumunta sa barangay, mainit at laging maraming tao.”
Naimbitahan kami ng MaineChard Lovers fan club nang bigyan nila ng Christmas party si Lola Dub sa bahay nito at ni-request niya si Richard Faulkerson, Sr. at ang inyong abang lingkod na maging guests.
Siyempre pa ay gusto rin naming makita, with my friends, ang “The AlDub Gallery” at muling ma-meet in person si Lola Dub.
Masaya ang photo-op namin with Daddy Bae (tawag naman nila sa daddy ni Alden), Lola Dub at mga members ng MaineChard Lovers. Maraming salamat sa inyo. Sana ay nakadagdag kami sa kasiyahan ni Lola Dub, lalo ngayong papalapit na ang Pasko. (NORA CALDERON)