Simula ngayong Huwebes ay maaari nang makuha ng mga motorista sa Central Luzon, Calabarzon, Central Visayas, at Davao Region ang kani-kanilang driver’s license card, ayon sa Land Transportation Office (LTO).
Sa isang panayam, sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Edgar Galvante na ang mga nag-renew ng lisensiya noong Enero hanggang Oktubre 2016 ay maaari nang makuha ang kani-kanilang card na may tatlong-taong validity mula sa mga licensing office sa kani-kanilang rehiyon.
Sinabi ni Galvante na handa ang 25 licensing office sa Region 3 na ipamahagi ang mga license card ng 560,000 driver, habang makukubra na ng 375,000 aplikante sa Region 4-A ang kanilang lisensiya sa 20 tanggapan ng LTO sa rehiyon.
Nasa 210,000 card ang ipamamahagi sa 18 LTO office sa Region 7, habang 90,000 driver naman sa Region 11 ang makakukuha na ng license card. (Vanne Elaine P. Terrazola)