CEBU CITY – Mahigit 90 kataong nakibahagi sa pamumudmod ng regalong Pamasko ang isinugod sa ospital nitong Martes ng gabi sa hinalang nabiktima ang mga ito ng food poisoning.

Ang mga biktima, na pawang taga-Barangay Sirao, ay dumanas ng pananakit ng tiyan, sakit ng ulo at nagsuka matapos kainin ang packed lunch na ipinamahagi sa Christmas gift-giving program ng Sirao Gardens Little Amsterdam na pag-aari ng pamilya Chua.

Ayon kay Nagiel Bañacia, Cebu City Public Information Office manager, itinaas ang Code Red sa Guba Community Hospital dakong 10:40 ng gabi nitong Martes makaraang 90 katao ang isinugod doon.

Bukod pa ang anim na pasyente na isinugod sa Cebu City Medical Center dahil sa matinding dehydration.

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!

Sinabi ni Dr. Anton Reposar II, doktor sa Barangay Guba Community Hospital, na kumain ng fried chicken at spaghetti ang mga biktima.

Kumuha na ng samples ng spaghetti ang Cebu City Health Department matapos ireklamo ng mga pasyente ang masama umanong lasa nito.

Kaagad namang nakipag-ugnayan ang pamilya Chua sa ospital upang sagutin ang lahat ng gastusin ng mga biktima, ayon kay Guba Community Hospital chief Dr. Glen Siasar. (MARS W. MOSQUEDA JR.)