ZAMBOANGA CITY – Hinihinalang may kinalaman ang Abu Sayyaf Group (ASG) sa pagkawala ng mga tripulante ng FB Ramona 2 habang naglalayag sa Celebes Sea sa Sulu, at pinaniniwalaang kasamang tinangay ang very high frequency (VHF) radio at global positioning system (GPS) ng fishing vessel.
Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Maj. Filemon Tan, Jr., ang mga nawawalang crew member na sina Noel Besconde, kapitan; Reyjim Rocabo, marine diesel mechanic; at mga tripulanteng sina Roy Ramos at Roel Liones, pawang taga-Tukuran, Zamboanga del Sur.
Ang FB Ramona 2 ay isang service-type vessel na pag-aari ng Ramona Fishing Corporation.
Sinabi ni Tan na huling na-contact ng FB Melissa 2, sister ship ng FB Ramona 2, ang huli dakong 3:00 ng umaga nitong Lunes upang ipaalam na nasa Celebes Sea sa Sulu ang Ramona 2.
Ayon sa WestMinCom, tinungo ng FB Melissa 2 ang lokasyon ng FB Ramona 2 dakong 5:00 ng umaga ngunit wala na roon ang mga tripulante, gayundin ang VHF Radio at GPS.
Nagpakalat na ang Joint Task Force Sulu ng mga tauhan upang magkasa ng search operation, habang masusi namang hinahanap ng Naval Task Group Sulu ang apat na tripulante.
Inalerto rin ang Joint Task Forces Tawi-Tawi at Basilan upang magpatrulya sa mga baybayin ng mga nabanggit na lalawigan at paigtingin ang intelligence gathering. (Nonoy E. Lacson)