HINAMON ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang mga lider ng national sports association (NSAs) na magbigay ng kahit isang ginto sa kampanya ng Team Philippines sa 29th Southeast Asian Games sa Agosto sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ito ang ibinigay na ‘standard rule’ ni Chairman matapos ang isinagawang pagpupulong ng Task Force SEAG sa pagitang ng PSC at Philippine Olympic Committee (POC).
Kasamang dumalo ni Ramirez sina Commissioner Ramon Fernandez, Celia Kiram, Arnold Agustin, at Charles Raymond Maxey, gayundin sina executive assistant to the Chairman Ronnel Abrenica, Executive Director Carlo Abarquez at Philippine Sports Institute (PSI) administrative director Marc Velasco.
Nakatakda pa ring pinuhin ng joint SEA Games Task Force sa pagpupulong ang iba pang criteria na ilalatag nito sa mga national sports associations (NSA’s) na inaasahang magpapadala ng mga lahok sa kabuuang paglalabanang 38 sports sa biennial meet.
“We only have seven months to prepare that is why we are so thankful that we were able to jumpstart the process,” pahayag ni Ramirez.
Aniya, kung bawat isang NSA ay makapagbibigay ng gintong medalya, sigurado na ang bansa na may 38 gintong mapagwawagihan.
Kabuuang 31 mula sa inaasahang 37 NSA’s ang nakapagsumite na nang kanilang mga kandidatong atleta para sa accreditation ng Malaysia SEA Games Organizing Committee (MASEAGOC) matapos na itakda ang deadline para sa entry by number sa Disyembre 23.
Hindi pa naman kinilala kung sino ang magiging Chef de mission na ninanais ng POC at PSC na isang personahe na maiangat ang kampanya ng Pilipinas na mahigitan ang natapos nitong ikaanim na puwesto dalawang taon na ang nakalilipas sa Singapore sa iniuwi nitong 29 ginto, 36 pilak at 66 tanso para sa kabuuang 161 medalya.
May pitong NSA’s naman ang hindi pa nakakapagsumite ng kanilang komposisyon na kinabibilangan ng bowling, football, badminton, boxing, weightlifting, volleyball at golf. Hindi naman isinali ang sports na futsal.
“This is the time for all NSA to ask ourselves to go to Kuala Lumpur to bring honor or not. We plan to send only the athlete that could win gold and bring honor to the country,” sabi ni Ramirez. (Angie Oredo)