HINDI sa susunod na NCAA season ang balikatan ni San Beda head coach Boyet Fernandez at ng Red Lions.

Kaagad na magsisimula ang pagbabago sa sistema ng Bedans sa pagsabak ng Mendiola-based squad sa 2016 PBA D-League Aspirant’s Cup sa Enero 19.

Sa isinagawang Rookie Drafting para sa D-league kahapon sa PBA Café sa Metrowalk, Pasig City, sinimulan ni Fernandez ang pagbuo sa isang matikas na koponan.

Sasabak ang San Beda, tangan ang kompanyang Cignal, bilang isa sa limang school-based team sa Aspirant’s Cup.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Mas mapapabilis ang transition ko kasi nasa D-League na ‘yung San Beda,” pahayag ni Fernandez, matagumpay na nabigyan ng anim na titulo ang NLEX dito bago tumuntong sa PBA.

“So mas madali ng kilalanin ang mga bata in preparation sa NCAA.”

Nagbalik sa San Beda si Fernandez nang magbitiw si coach Jamike Jarin at lumipat sa National University bilang kapalit nang nagbitiw namang si Eric Altamirano. Kinuha ni Jarin ang coaching job sa San Beda bilang kapalit ni Fernandez na tumuntong sa PBA. Nagabayan niya ang Red Lions sa kampeonato noong 2013-14.

“Kailangan ko ring mag-establish ng relationship with the players kasi konti na lang ang naiwan doon nu’ng nag-coach ako sa San Beda,” aniya. “Tapos konti na rin ang mga Team B na umangat. Medyo malaking responsibilidad at trabaho.

Parang bago ito.”

“Actually naman talaga ang D-League ay preparation ko talaga sa pag-alis ko sa NLEX (as coach),”pahayag ni Fernandez, pinalitan sa NLEX ni Yeng Guiao. “Talagang D-League lang talaga ang puntirya nu’ng sitwasyon ko. But again the San Beda situation opened and it was boss MVP (Manny V. Pangilinan) who called me up two days ago to confirm that. Na-surprise nga ako na maraming lumalabas na OK na but again it was only confirmed two nights ago.”

“I’m happy that at least boss MVP still continues to trust me. I’m really excited to be back with San Beda,” aniya.