DAPAT lamang bigyan ng pamaskong hindi malilimutan ang pulis na ito na walang patumanggang nagpaputok ng baril habang sakay at may kaangkas pang babae sa motorsiklong pinatatakbo niya sa Antonio Rivera, Tundo, Maynila, nitong Lunes ng madaling araw. At ang dahilan ng kanyang pagpapaputok— wala lang, trip, trip lang kasi masaya siya.

Kahit nabulahaw sa pagtulog ang karamihan sa mga tagaroon, ay masuwerte pa ring masasabi dahil walang nasaktan sa mataong lugar na ito, maliban sa pinto at dingding ng isang bahay na binutas ng .9mm na balang galing sa service pistol ng pulis na si PO1 Ronel Pantig na napag-alaman kong miyembro ng Pasig Police ngunit katulad kong lumaki rin at nakatira sa Tundo.

Ang mga pulis na katulad nitong si PO1 Pantig ay nakadadagdag pa sa daluyong ng pagtugligsang kinakaharap ngayon ng Philippine National Police (PNP) dahil sa walang humpay at ‘di makataong pagpatay na ayon sa mga kritiko ay kinukunsinti raw ni Pangulong Rodigo R. Duterte bilang bahagi ng kanyang giyera laban sa sindikato ng ilegal na droga sa bansa.

Para sa kagaya kong ipinanganak at lumaki Tundo—isa si PO1 Pantig sa mga dahilan kaya ang tingin sa Distrito ng Tundo ay lugar ng mga sanggano at mamamatay tao. Kinalakihan ko na ang ganitong pagtrato sa amin, kaming mga binatilyo noong Dekada ‘60 na kung tawagin ay “Tondo Boys” – palagi na lang kaming pinagdududahan ng aming mga nakakaharap na taga-ibang lugar na parang kami ay ‘di gagawa ng mabuti sa kanila. Ganito kasi palagi ang tema ng mga pelikula noon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ngunit ngayong halos burado na ito sa isipin ng madla, may biglang susulpot na namang isang katulad nitong si PO1 Pantig na bubuhay sa isang masamang larawang inilibing na naming mga taga-Tundo— sa limot.

Kaya tinatawagan ko si Supt Arnold Thomas Ibay, hepe ng Moriones Police Station, na sana’y tutukan ang kasong ito ni “RAMBO Pantig” - ‘Wag lang sibakin sa puwesto, kundi disarmahan, kasuhan at irekomendang matanggal sa pagiging pulis para matigil na siya sa kanyang pagti-trip na kumalabit ng gatilyo kapag nasasayaran ng alak ang kanyang lalamunan.

Ilang ulit na rin palang inireklamo si PO1 Pantig sa ganito ring pangyayari ngunit parating nakalulusot – kinakabahan tuloy ako na baka malusutan niya ulit ito kapag ang idadahilan niya ay kagaya nito: “Work related. Buy-bust sana pero nakatunog ‘yung pusher. Nakatakbo kaya hinabol at pinutukan niya. Nakatakas pa rin na parang palos sa bilis.” Oh ‘di ba, tapos agad ang kuwento?

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)