HANDA nang ipatupad ng Department of Health – Region 11 (DoH – 11) ang pamamahagi ng condom sa junior at senior high school sa Davao sa kabila ng pagkontra ng ibang sektor sa programa na naglalayong pababain ang tumataas na kaso ng Human Immunodeficiency Virus Infection at Acquired Immune Deficiency Syndrome (HIV-AIDS) sa bansa.
Gayunman, nilinaw ni DoH Assistant Secretary at Davao Regional Director Dr. Abdullah Dumama Jr. na hindi ito magiging sapilitan bilang pagsang-ayon sa Department of Education (DepEd) ng Davao region.
Sa pagpapatupad nito sa buong bansa, sinabi ni Dumama na hinihintay pa nila ang huling tagubilin mula sa national office secretaries ng dalawang ahensiya na inaasahang maglalabas ng guidelines tungkol sa pamamahagi ng condom.
“This measure must be implemented right away,” saad ni Dumama nitong Lunes sa mga mamamahayag sa Kapehan sa Davao sa SM Davao Annex.
Aniya, makatutulong ang pamamahagi ng condoms sa senior students sa high school para mabawasan ang maagang pagbubuntis ng kabataan at mapigilan ang tumataas na kaso ng HIV.
Ang HIV ay virus na umaatake sa immune system ng katawan na nauuwi sa AIDS. Ang AIDS ay kondisyon na pagsasama-sama ng mga palatandaan at sintomas ng HIV. Mas madaling kapitan ng mga nakamamatay na impeksiyon ang mga taong nagtataglay nito.
Kasama sa listahan ng DoH ang Davao Region bilang isa sa mga lugar sa bansa na may mataas na bilang ng mga bagong HIV infection ngayong taon.
Mula Enero hanggang Oktubre 2016, iniulat ng DoH ang kabuang 80 kasi ng AIDS at 395 asymptomatic cases. Simula 1984 hanggang ngayon, nakapagtala ang Davao region ng 259 AIDS na kaso at 1,993 asymptomatic cases. Sa kabuuang kaso ngayong taon, 451 sa kalalakihan at 24 sa kababaihan.
Binigyang-diin din ng health department ang mataas na kaso sa kabataan na nasa edad 15-24 na may 165 mula sa Enero hanggang Oktubre ngayon taon o 881 mula 1984 hanggang ngayon.
Gayunman, inilinaw ni Dumama na magkakaroon ng pahintulot ng magulang sa distribusyon ng condom sa mga junior at senior level students. “The distribution condoms will not be open and indiscriminate,” aniya. (PNA)