TRULILI kayang ipinull-out na ng Star Cinema ang entry nilang Vince & Kath & James ngayong 2016 Metro Manila Film Festival (MMFF)?
Ito ang kumalat na balita kahapon na nagsimula sa pagkakaroon ng emergency meeting ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa desisyon ng Star Cinema na iatras ang pagpapalabas ng pelikula nina Joshua Garcia, Julia Barretto at Ronnie Alonte.
Ayon sa aming source, hindi raw nagustuhan ng Star Cinema ang desisyon na in-announce ng chairperson ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na si Liza Diño na bibigyan ng 30 percent discount sa ticket prices ang senior citizens, PWDs (Person with Disabilities) at mga estudyante.
Obviously, mga estudyante ang target audience ng Vince & Kath & James kaya malaking kabawasan sa maaaring kitain ng Star Cinema ang 30% discount. Malaki ang production cost ng Star Cinema dahil hindi naman indie film ang pelikula nina Joshua, Julia at Ronnie.
Wala na raw sanang problema sa 20 percent discount sa senior citizens, pero ‘yung gawing 30 percent at isinama pa ang mga estudyante ay malaking kabawasan sa kikitain ng pelikula. At hindi naman daw Vince & Kath & James lang ang maaapektuhan sa biglaang desisyon kundi lahat ng MMFF entry.
Mas lalo kasing mawawalan ng kikitain din ang indie films sa MMFF dahil bukod sa 30 percent discount ay hindi pa tiyak kung papasukin din sila ng tao.
Sana raw ay pinag-usapan ng lahat ng stake holders at pinag-isipan munang mabuti ng pamunuan ng MMDA o ng kung sinumang nag-suggest na magbigay ng 30 percent ngayong festival. Teka, hiningi ba ang opinyon ng producers sa pagbabagong ito sa ticket selling?
Nakakaloka ang MMFF 2016, puro kontrobersiya ang inaabot.
Habang tinitipa namin ang balitang ito ay tumawag kami sa ilang miyembro ng MMFF at sinabihang babalikan na lang kami dahil kasalukuyan pa nilang pinag-uusapan ang desisyon ng Star Cinema.
Tumawag din kami sa Star Cinema pero mukhang naka-silent mode lahat ang cellphone ng executives dahil hindi kami sinasagot.
Tsinek namin ang IG post ng publicity manager ng Star Cinema na si Mico del Rosario at nalaman na wala naman siyang violent reaction sa isyu, bagkus ay nag-post pa siya ng poster ng pelikula nila at may caption na, “Meet & Greet the cast of Vince & Kath & James at NBS Trinoma and NBS SM Manila. Buy the book to join the event, 150 pesos only.
Registration opens at 12 PM! #VinceAndKathAndJames#FAMaskongPasikLOVE.”
Ano kaya ang final decision ng Star Cinema rito? (REGGEE BONOAN)