IBIG kong simulan ang pitak na ito sa pamamagitan ng pagbati ng Maligayang Pasko sa ating mga mambabasa. Inaasahan ko na magkakaroon kayo ng pagkakataon na makapiling ang inyong pamilya sa mahalagang okasyong ito.
Sa aking pananaw, ang Pasko ay ukol sa pamilya kung kailan nabubuo ang magagandang alaala sa piling ng mga mahal sa buhay.
Maligaya ang kabataan sa panahong ito dahil sa mahabang bakasyon, pagtanggap ng regalo mula sa mga ninong at ninang, masarap na handa sa Noche Buena at paglalakwatsa kasama ang barkada.
Habang tumatanda ang isang tao, nagiging iba ang pananaw niya sa maraming bagay sa buhay. Naranasan ko rin ang masasayang karanasan ng kabataan ngunit naniniwala ako na kailangang tingnan natin ang Pasko bilang isang oportunidad na bumuo ng magagandang alaala sa piling ng ating mga minamahal.
Dahil dito, sinimulan ko sa nakaraang 25 taon ang isang tradisyon sa aking pamilya sa panahon ng Pasko at Bagong Taon, kung kailan kailangan kaming magkakasama.
Sa mahabang panahon, kami ng aking maybahay, si Cynthia, at ang aming mga anak na sina Mark, Paolo at Camille, ay ginugugol ang panahong ito na magkakasama sa Estados Unidos.
Hindi mahalaga kung saan kami mag-Pasko, ngunit nakita namin na mas masaya ang aming pagsasama sa ibang bansa. Sa Pilipinas, maaaring mangailangan na umalis ang isa sa amin dahil sa problema o gawain. Sa ibang bansa, sarili namin ang panahon.
Sa pagdaan ng panahon, nagkakaroon ng pagbabago ang aming tradisyon. Kung minsan ay nagpa-Pasko kami sa isang lugar na hindi pa namin narating, gaya ng Sapporo, Japan, at sinasalubong ang Bagong Taon sa tahanan namin sa Los Angeles.
Sa nakalipas na dalawang taon, inalis ko sa aking bucket list and pagpa-Pasko sa isang jazz bar. Ginawa namin ito sa New Orleans, kung saan ipinanganak ang jazz. Ito ay isang karanasan na nakalimbag na sa aking alaala.
Ang taong ito ay magiging mahalaga dahil makakasama namin sa unang pagkakataon ang dalawa kong apo. Nasasabik na akong lumikha ng alaala sa piling nila, na maaaring balik-balikan kahit matagal na akong pumanaw.
Hindi maluho ang aming mga pagdiriwang, ngunit simple at makahulugan. Halimbawa, nanananghalian kami sa isang restoran. Habang naglalakad-lakad ang aking maybahay at mga anak, naiiwan naman ako sa isang coffee shop habang nagmamasid sa mga taong nagdaraan, upang takasan ang realidad kahit sa maikling panahon lamang.
Sa pag-uwi namin, karaniwang nagtitipon kami sa sala at nanonood ng pelikula, dahil kaming lahat ay mahilig manood ng sine. Kung minsan, tinitiyak ko na magigising sila pagsapit ng Noche Buena. Hindi malaking okasyon sa Estados Unidos ang Pasko ngunit nais pa rin naming salubungin ang Pasko.
Naalala ko ang panahon na magkakasama kami ng aking Nanay Curing at mga kapatid sa pagsasalu-salo sa isang simpleng Noche Buena. Pagkatapos nito, nagtutungo na kami ng aking Nanay sa Divisoria upang magtinda ng hipon, dahil malakas ang benta kapag Pasko at Bagong Taon.
Ang mga simpleng tradisyon na gaya nito ang namamalagi sa alaala kahit sa pagtanda ng isang tao. Kadalasang nalilimutan natin ito sa panahon ng ating kabataan, ngunit mahalaga na simulan ngayon ang pag-iipon ng mga alaala sa piling ng pamilya.
Natutuwa akong makinig sa mga awiting Pamasko sa radyo sa pagtuntong ng Setyembre, at ang pagmamasid sa mga Christmas tree at iba pang dekorasyon, at ang mga regalong ‘tila para sa mga hari.
Ngunit ang lalong mahalaga sa akin ay makita ang aking pamilya na may ngiti sa kanilang mga labi. Nakaliligaya ang pagkukuwentuhan namin sa iba’t ibang bagay at pagtitipon sa sala, na parang isang pelikula na puwede kong balik-balikan sa aking alaala.
Hinahangad ko na lahat ng Pilipino ay magkaroon ng makahulugang Pasko sa taong ito. Kalimutan natin sandali ang alitan sa pagitan ng magkakamag-anak, at ang mga pagsubok sa buhay. Ituon natin ang pansin sa mga mahal natin sa buhay at tipunin ang mga alaalang ito.
Mula sa aking pamilya, Maligayang Pasko sa inyong pamilya!
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)