SAN PABLO, Isabela - Naging madugo ang Misa de Gallo sa bayang ito kahapon ng madaling araw makaraang pagbabarilin at mapatay ang isang abogado at security nito sa harap ng simbahan sa bayang ito.
Sa report na ipinarating kahapon ni Supt. Manuel Bringas, hepe ng Provincial Investigation and Detective Management Branch ng Isabela Police Provincial Office, kinilala ang mga napatay na sina Atty. Arland Castañeda, 38, taga-Barangay Binguang, San Pablo; at Melito Alingod Binag, 51, ng Bgy. Angancasilian, Cabagan, Isabela.
Sa pagsisiyasat ng lokal na pulisya, nangyari ang pamamaril dakong 4:00 ng umaga kahapon, sa harap ng Saint Paul Parish Church sa Bgy. Poblacion, San Pablo, sa kasagsagan ng Simbang Gabi.
Nagulat ang mga nagsisimba sa insidente at nabulabog ang misa.
Hindi pa nakikilala ang mga armado na bumaril sa dalawang biktima.
Nakuha naman sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng .9mm caliber at dalawang basyong bala nito.
Ipinalalagay sa ngayon na may kaugnayan sa trabaho ni Castañeda ang pamamaril sa kanya. (LIEZLE BASA IÑIGO)