Bagamat walang nakikitang banta ng terorismo ang National Capital Region Police Office (NCRPO), mahigpit pa ring pinag-iingat ang publiko sa matataong lugar, tulad ng mga mall at simbahan.
Pinaalalahanan ni NCRPO Director chief Supt. Oscar Albayalde ang publiko na maging alerto at iwasang mabiktima ng masasamang elemento ngayong Christmas season, kung kelan nagkalat ang mga taong mapagsamantala.
Ayon kay Albayalde, nananatiling nakataas sa full alert status ang pulisya sa Metro Manila lalo dahil ilang araw na lang ay Pasko na.
Una nang inihayag ng opisyal na walang Christmas at New Year’s break ang lahat ng pulis sa Metro Manila at hindi puwedeng lumiban, upang masiguro ang 100 porsiyentong puwersa ng pulisya laban sa krimen.
Humingi naman si Albayalde ng kooperasyon sa publiko at sakaling kailanganin ng saklolo ay maaaring tumawag sa Bato Hotline: 2286 o 911. (Bella Gamotea)