MAGKAIBIGAN pala sina Vice Ganda st Paolo Ballesteros. Nakitang nagbeso-beso at nagkukuwentuhan ang dalawa nitong nakaraang Linggo ng gabi sa loob ng eroplano pabalik ng Manila galing Cebu.
“Kagabi nu’ng pauwi na kami from Cebu, nagkasabay sina Paolo at Vice Ganda sa eroplano,” kuwento kahapon sa amin ng kaibigan naming nakakita sa dalawa. “PAL na eroplano. Naka-bussiness class si Paolo. Nakakatuwa kasi nu’ng pagpasok ni Vice, nakita niya nakaupo si Paolo, binati n’ya si Paolo. Nagbeso pa sila at nag-usap konti.
“Magkakilala sila at wala namang issue sa kanila. Nagkakasabay yata sila sa mga raket before at kaibigan din yata ni Paolo ‘yung mga staff ni Vice, kasi nagbatian silang lahat.”
Galing Cebu ang dalawang TV host/actor para sa promo ng kani-kaniyang pelikulang The Super Parental Guardian na palabas ngayon at ang Die Beautiful na ipapalabas naman sa Disyembre 25 sa pagbubukas ng Metro Manila Film Festival 2016.
Naitanong namin minsan kay Paolo kung ano ang pakiramdam niya na makakasabay niya si Vice sa MMFF (hindi pa napipili ang Magic 8 noon), excited siya. Kung type ba niyang makasama si Vice sa pelikula, kaagad niya kaming sinagot ng, “Bakit naman hindi, eh, siyempre Vice Ganda ‘yun. Ang tanong, puwede ba? Papayagan ba?”
Imposible nga yatang mangyari dahil magkaiba sila ng network. Sana lang payagan, dahil maganda rin siguro ng tandem nila. (REGGEE BONOAN)