SA kauna-unahang pagkakataon, ngayon ko lang nasaksihan ang isang “mighty development” sa sistema ng edukasyon sa bansa. Ito ay isang biyaya na maituturing na hulog ng langit sa kabataan na uhaw sa karunungan, higit sa lahat sa mga magulang na nagpapaaral ng mga anak. Isipin na lamang na simula sa susunod na taong-pasukan o school-year, tuition-free na ang 113 state universities and colleges sa buong bansa. Ibig sabihin, hindi na magmamatrikula ang mahigit na 1.4 milyong estudyante sa naturang mga pamantasan at dalubhasaan na pinamamahalaan ng gobyerno.

Ang naturang tuition-free policy ay produkto ng realignment o paghahanay ng 2017 budget ng Commission on Higher Education (CHED) na kinapapalooban ng karagdagang P8.3 bilyon. Bahagi ito ng P3-trillion national budget na inaprubahan ng Kongreso at nakatakdang lagdaan ni Pangulong Duterte. Dahil sa maituturing na biyayang ito sa kabataan, maihahanay na ang Pilipinas sa mga bansang Norway, Sweden, Finland at Germany na nagkakaloob ng libreng matrikula sa SCUs.

Personal kong naobserbahan ang paghihirap ng kalooban ng kabataan na hindi makapag-aral dahil sa kawalan ng pambayad ng matrikula; napipilitan silang magpagala-gala sa hangaring makahanap ng kahit na anong mapagkakakitaan para sa kanilang pag-aaral. May pagkakataon na ang ganitong kahirapan ay nagiging dahilan upang sila ay maligaw ng landas.

Ibayong kahirapan din ng kalooban ang nadarama ng mga magulang sa kabiguan ng kanilang mga supling na maipagpatuloy ang pagtuklas nila ng edukasyon; ang iba ay napipilitang magbenta ng mga ari-ariang tulad ng mga hayop at kapirasong bukirin na pinagkukunan nila ng ikinabubuhay. Salamat na lamang at ang ating mga anak ay hindi tinatabangang mag-aral hanggang ngayon nga na umusad ang hulog ng langit.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Ngayon, natitiyak ko na hindi na natin maririnig ang nakatutulig na sigawan ng kabataan, lalo na ng mga konserbatibong grupo at mga aktibista na halos makipagbangayan sa nakalipas na mga administrasyon: “Huwag magtaas ng matrikula... alisin ang tuition fee.” Posible naman pala na ito ay magawa.

Subalit hindi ako magtataka kung tayo ay muling mabingi sa mga panawagang “Alisin na rin... ang mga miscellaneous expenses at iba pang pagkakagastusan na tulad ng laboratory fee at iba pa.” Higit na malaki ang gayong mga bayarin kaysa free tuition fee.

Gayunman, marapat lamang nating ipagpasalamat ang naturang biyayang pang-edukasyon para sa ating kabataan. Malaki ang maitutulong nito sa mga magulang at sa mismong administrasyon sa paglutas ng tumitinding illiteracy problem — ito ang sumagip sa kamangmangan. (Celo Lagmay)