Sugatan ang isang lasing na rider habang nagtamo naman ng mga gasgas at pasa ang kanyang angkas nang aksidente nilang mabangga ang isang pribadong sasakyan sa Parañaque City, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ng traffic enforcer na si Edgar Suarez, ng Parañaque City Traffic Enforcement Unit, ang mga sugatang rider na sina Vincent Quirante, 42; at isang Alex, nasa hustong gulang.

Ayon kay Suarez, dakong 9:30 ng gabi, binabagtas ni Quirante ang southbound lane ng Roxas Boulevard sa Barangay Tambo, Parañaque nang mawalan ito ng kontrol sa motorsiklo (walang plaka).

Sinabi ni Suarez na nagpagewang-gewang si Quirante at kanyang kasama hanggang sa bumangga sa isang itim na Toyota (VC 8349) at minamaneho ni Luvern Sampang.

National

German, tiklo; nagpuslit ng higit ₱55M halaga ng shabu, itinago sa mga Bibliya!

“Naipit yung kaliwang paa nung driver (Quirante) dahil parehas sila ng lane tapos bumangga siya sa right side ng kotse. Tumilapon silang dalawa buti na lang hindi sila tinakbuhan at nakatawag agad ng ambulansya,” lahad ni Suarez.

Samantala, ipinagpipilitan ni Quirante na si Sampang ang bumangga sa kanilang motorsiklo ngunit pinalagan ito ni Sampang.

“Kung ako ang nakabangga sa kanila dapat pumailalim yung motor nila sa kotse ko. Eh hindi eh, sila ‘yung bumangga sa akin, sila yung pagewang-gewang,” ani Sampang.

Makalipas ang ilang minuto’y inamin ni Quirante na nakainom siya at kanyang kasamang si Alex matapos manggaling sa isang party.

Dahil dito’y nagpaalala si Suarez sa mga motorista na siguruhin ang kanilang kaligtasan sa pagmamaneho lalo na ngayong holiday season.

“Kapag po nakainom na eh wag na magmaneho para maiwasan po natin itong mga ganitong aksidente,” pakiusap ni Suarez.

(Martin A. Sadongdong)