MALIHIM si Edu Manzano sa investments niya. Kahit kailan, hindi niya binabanggit sa mga interview niya ang kanyang mga negosyo. Pero may natuklasan kaming isa.
Ang Lucky Rainbow Hong Kong Seafood Restaurant sa Patriarch Building 2224 Pasong Tamo corner Don Bosco Streets, Makati City na ang isa sa mga may-ari ay si Neal Gonzales, anak ng dating editor ng Manila Bulletin.
Kapartner ni Neal ang high school friend niyang si Allan Almazar at si Edu nga.
To honor his father ay ipinangalan nilang magkakapatid ang kanilang building dito.
“Bata pa ako, isinasama na ako ng daddy ko sa Bulletin,” kuwento ni Neal. “Masarap doon kasi mahilig din akong magbasa, pero hindi ko nasundan ang yapak niya, eh. Mas gusto ko ang business, kaya heto one of our business is this restaurant. Actually, hindi ako marunong magluto, mahilig lang akong kumain, ‘yung isang partner namin ang nag-encourage na magtayo since mahihilig kaming kumain lahat para may venue kami if ever.”
Nagkuwento ang magkaibigang Neal at Allan na madalas kumain sa kanilang resto si ex-President Noynoy Aquino kasama ang ilang kaibigan.
“Madalas si PNoy dito, as in. Siguro kasi gusto niya ang lugar kasi hindi crowded at may sarili siyempre silang kuwarto. Dito sila madalas mag-meeting,” kuwento sa amin.
Nag-usisa kami kung may girlfriend bang kasama ang dating presidente, pero ngumiti lang sa amin ang magkaibigan. Hmmm, mukhang meron nga kasi hindi kami sinagot, eh.
Natikman na kaya ni Kris Aquino ang mga pagkain ng Lucky Rainbow Hong Kong Seafood Restaurant na pawang masasarap nang matikman namin?
Puwedeng-puwede niyang i-feature ito sa kanyang social media show.
Maraming celebrity raw ang dumadayo sa restaurant pero ayaw na nilang pangalanan dahil baka hindi na magpabalik-balik sa kanila.
Sabi ni Allan, naging partner nila si Edu nang malamang magtatayo sila ng Chinese restaurant.
“He wanted to join us so we invited him, and naging partner namin siya.”
Walang hassle sa pagiging magkakakaibigan at magkakasosyo nila, hindi sila katulad ng iba na nagkakagulo.
“Ka-badminton pa nga namin, magba-badminton kami mamaya. Saka, I think, if you share the same passion about what you want to get into, and then, hindi ka tuso, hindi ka naman lalamang, I think, walang problema,” pahayag ni Allan.
Dalawa na ang Lucky Rainbow Hong Kong Seafood Restaurant, may isa pa sa Banawe Street, Quezon City at in two years time ay naka-ROI na raw sila. (Reggee Bonoan)