KUNG hindi magbabago ang ihip ng hangin, sigurado na si Jeron Teng na maging No.1 pick ng AMA Online Education sa gaganaping 2016 PBA D-League Draft ngayon sa PBA Cafe sa Metrowalk, Pasig City.

Ngunit, bukas ang option ng Titans, higit at lumalim ang line-up ng 128-man rookie pool na sasabak sa drafting na nakatakda ganap na 11:00 ng umaga.

Kung magbabago ang desisyon ng AMA, naghihintay si ABL standout Jason Brickman, habang matikas din sina Monbert Arong ng FEU, Jom Sollano ng Letran, at Mac Tallo ng Southwestern U.

Handa naman ang Tanduay para sa No.2 spot kasunod ang Racal na may hawak para sa No.3 pick. Ikaapat na pipili ang Cafe France na inaasahang sesentro sa player ng Centro Escolar University, kampeon sa nakalipas na MBL.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Tangan ng Wangs Basketball ang No.5 pick.

Bago ang draft selection, ang mga bagong koponan sa liga ay nagpalabunutan para malaman ang kanilang katayuan sa drafting.

Ang mga school-based na Cignal-San Beda, Jose Rizal University, at Manuel L. Quezon University ay bibigyan ng karapatan na pumili sa line-up ng kanilang mga varsity player bago kumuha ng ibang player para palakasin ang kanilang kampanya, habang ang Province of Batangas ay inaasahang bubuo ng solid Batangueño lineup.

Hindi naman kasali sa drafting ang Blustar Malaysia dahil isa itopng guest team.

Nakatakdang magbukas ng D-League sa Enero 9. (Marivic Awitan)