Isang walong taong gulang na batang lalaki ang umano’y tinangay ng isang ‘di pa nakikilalang babae habang mag-isang nangangaroling sa Sampaloc, Manila, iniulat kahapon.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Women and Children’s Protection Unit (WCPU), para matunton ang kinaroroonan ni John Ren Manzano, ng Algeciras Street, Sampaloc, na sakop ng Barangay 450, Zone 45.
Samantala, inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek, na inilarawang nasa edad 40 hanggang 45, may taas na 5’3”, mahaba ang buhok.
Batay sa reklamo ni Aileen Cansino, ina ng biktima, huli niyang nakita ang anak dakong 6:35 ng gabi nitong Sabado, Disyembre 17, habang mag-isang nangangaroling sa kanilang mga kapitbahay.
Habang may ilang nakakita na akay-akay umano ng isang babae ang biktima habang papalayo sa lugar.
Sa oras na mahuli, sasampahan ang suspek ng kasong abduction. (Mary Ann Santiago)