ISINARA ni GM Wang Hao ng China ang pagkakataong makapang-agaw ng titulo si GM Mark Paragua sa matinding 42-sulong ng Sicilian upang kumpletuhin ang pagwawalis sa kambal na torneo na Philippine Sports Commission-Puregold International Chess Challenge Linggo sa Subic Bay Peninsular Hotel.

Ang top-seed na si Wang ang tinanghal na solo champion sa itinala nitong pitong puntos, eksaktong limang araw matapos na magtala rin ng pitong puntos upang magwagi sa una sa magkasunod na dalawang yugto na torneo na suportado ng PSC.

Kalahating puntos napag-iwanan sa ikalawang puwesto ang fourth seed na si GM Pevan Pantsulaia ng Georgia, inungusan ang sixth pick GM Vladislav Kovalev ng Belarus sa 64-sulong ng Reti Opening.

Nahulog si Kovalev sa pakikipaghati sa No. 3 kasama ang second seed GM Anton Demchenko ng Russia at 7th seed GM Merab Gagunashvili, na nagkasya sa mabilis na 13-sulong draw sa Ruy Lopez, para sa anim na puntos.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Tumapos naman si Paragua na nasa apat katao na ikaanim na puwesto na may 5.5 puntos kasalo sina GM Kirill Stupak ng Belarus, Mikheil Mchedlishvili ng Georgia at Boris Savchenko ng Russia.

Tinalo ni Stupak si IM Abhimanyu Puranik ng India sa 40 sulong ng Caro-kann habang si Mchedlishvili at Savchenko ay tinapos ang mahabang 71-move draw sa Queen’s Indian Defense.

Naghati naman sa puntos sina IM Jan Emmanuel Garcia at FIDE Master Roel Abelgas sa 14 moves ng Slav upang sumalo sa ika-10th puwesto kasama sina GM Tigran Kotanjian ng Armenia, na tinalo si Harshit Raja ng India sa 48 moves ng Queen’s Indian para matipon ang limang puntos kada isa.