CAMP GENERAL SIMEON OLA, Legazpi City – Labingwalong brick ng hinihinalang cocaine, na tinatayang aabot sa P90 milyon ang halaga, ang natagpuan ng dalawang mangingisda na palutang-lutang sa karagatan sa Barangay Sugod sa Tiwi, Albay nitong Linggo.

Sa press conference nitong Linggo ng gabi sa Camp General Simeon Ola, sinabi ni Police Regional Office (PRO)-5 director Chief Supt. Ramon Melvin Buenafe na natagpuan ng mga mangingisdang sina Manuel Comota at Razel Bragais ang nababalot sa lambat at mga hugis bricks na paketeng may brown packaging tape habang palutang-lutang sa dagat sa bayan ng Tiwi.

Ayon kay Buanafe, sakay sa isang bangkang de-motor, kaagad na nag-report ang mga mangingisda kay Senior Insp. Jan King Calipay, hepe ng Tiwi Municipal Police, at mabilis na rumesponde ng mga tauhan nito.

Kasama si Bgy. Calipay Chairwoman Teresita Cericos at ang dalawang mangingisda, nai-turnover ang mga hinihinalang cocaine kay Albay Police Provincial Office (PPO) director Senior Supt. Antonio Cirjuales, na nagsuko naman ng kontrabando sa PRO-5.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“Sinabi po ng PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) na talagang cocaine po siya at hindi lang basta cocaine kundi hybrid o first class,” sabi ni Chief Insp. Arthur Gomez, tagapagsalita at hepe ng investigation division ng Albay PPO.

“Iniimbestigahan pa po ng pulisya kung saan talaga ito galing, pero ayon sa inisyal na pagsisiyasat ay galing ito sa ibang bansa at nagiging drop-point lang ang Pilipinas. Wala kasing kakayahan ang bansa na mag-manufacture ng ganitong droga, tsaka sobrang mahal ng drogang ito. Ayon sa nakausap ko, sa America nga, nagkakahalaga ng $3.4 million ang kada kilo ng cocaine.” (NIÑO N. LUCES)