MISTULANG hindi nagkakamabutihan ang China at ang United States sa ilalim ng bagong halal na si President Donald Trump, sa pagpapalitan nila ng maaanghang na komento at banta sa nakalipas na mga araw. Inaasahan nating hindi na ito lalala pa sa mga susunod na linggo at buwan, dahil ang anumang hindi pagkakasundo sa pagitan ng dalawang makapangyarihang sandatahan ay tiyak na makaaapekto sa ating rehiyon, at ang Pilipinas ang mapapagitna sa lahat ng ito.
Nagsimula ang lahat nang tawagan ni Taiwanese President Tsai Ing-wen si Trump upang batiin ito sa pagkakahalal sa eleksiyon, gaya ng ginawa ng iba pang mga pinuno sa mundo, kabilang na ang ating Pangulong Duterte. Kaagad namang naghain ang China ng diplomatic protest kaugnay ng pagtanggap ni Trump sa nasabing tawag sa telepono, dahil nangangahulugan ito ng pagkilala sa Taiwan, na isang paglabag sa one-China policy.
Matapos ang pag-uusap sa telepono, tinawagan ng mga opisyal ng administrasyong Obama ang mga opisyal ng China upang igiit na nananatiling buo at umiiral ang one-China policy. Ngunit sa isang panayam ng media, mismong si Trump ang nagsabi na hindi na kailangang manindigan ang Amerika sa matagal na nitong posisyon na ang Taiwan ay bahagi ng “one China.” “I don’t know why we have to be bound by a ‘one-China’ policy unless we make a deal with China having to do with other things, including trade,” deklara ni Trump.
Ang tugon ng China rito ay nagmula sa pahayagan sa Beijing na Global Times na tinagurian si Trump na “as ignorant of diplomacy as a child” at nagbabala na kung hayagang susuportahan ng Amerika ang pagsasarili ng Taiwan at tutulong sa pagbebenta ng mga armas sa nagsasariling isla, maaaring ayudahan ng China ang “forces hostile to the US.”
Nitong Miyerkules, sinabi ni Admiral Harry Harris, pinuno ng US Pacific Command, sa isang panayam na patuloy na hahamunin ng Amerika ang “assertive, aggressive behaviour” ng China sa South China Sea. Hindi tatanggapin ng Amerika ang pagkontrol ng China sa rehiyon, kahit ilang base-militar pa ang itayo nito sa mga artipisyal na isla sa karagatan, aniya. “We will cooperate where we can, but we will be ready to confront where we must.”
Naranasan na ng Pilipinas ang ganitong kumprontasyon kaugnay ng South China Sea, at dumulog pa nga sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague na pumabor sa atin. Ngunit pinili ni Pangulong Duterte na huwag nang igiit ang usapin.
May karapatan ang Pilipinas sa Scarborough Shoal at sa iba pang isla sa lugar, ngunit hindi nito ipupursige ang ating soberanya sa ngayon, piniling makipagtulungan sa mga larangang pinagkakasunduan ng dalawang bansa, gaya ng kalakalan at pamumuhunan.
Ngunit hindi ganito ang gagawing mga hakbangin ni US President-elect Trump, kung pagbabatayan ang kanyang mga nakalipas na komento tungkol sa kontrobersiya ng pagtawag sa kanya sa telepono ng presidente ng Taiwan, at mistulang handa sa kumprontasyon ang mga pinuno ng sandatahan ng Amerika.
Nagkataon namang napapagitna sa usapin ang Pilipinas—sa larangan ng diplomasya at heograpiya. Dahil dito at sa mas malawak na katwiran ng pangrehiyon at pandaigdigang kapayapaan, umaasa tayong ang pagpapalitan ng maanghang na komento ay hindi na lalala pa at kalilimutan na lamang ng dalawang pinakamakakapangyarihan sa mundo ang usapin sa tawag sa telepono, na pinagsimulan ng lahat.