Hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian kahapon ang Kongreso na unahin ang pagpasa sa panukalang batas na gagawing permanente ang libreng matrikula sa state universities at colleges (SUCs) na pansamantalang itinatag para sa school year 2017-2018 sa ilalim ng special provision sa 2017 national budget.
Sinabi ni Gatchalian na ang P8.3-bilyon pondo para sa libreng matrikula sa mga SUC ay isang magandang simula ngunit marami pa ang dapat gawin.
“In order to build on the gains in access to tertiary education which this program will certainly provide, we have to take the next step by permanently institutionalizing the free tuition policy through legislation,” sabi ni Gatchalian, vice chair ng Senate Committee on Education, Arts, and Culture.
Ipinaliwanag ng senador na ang pagpopondo sa edukasyon ng mga estudyante sa SUC ay nangangailangan ng multi-year budgetary planning sa loob ng apat hanggang limang taon, ang karaniwang haba ng panahon para isang undergraduate degree program.
Sinabi niya na posibleng mawala sa mga estudyante ng SUC ang kanilang benepisyo sa matrikula kapag nabigo ang Kongreso na isama ang budget insertion para pondohan ang programa sa hinaharap at walang batas na nag-aatas ng permanenteng pondo taun-taon.
“I hope that both houses of Congress will work together to secure, once and for all, the right of every Filipino to a college education by making permanent the free tuition policy in time for the start of the 2018-2019 school year,” diin niya. (HANNAH L. TORREGOZA )