Dahil sa kaliwa’t kanang patayan kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga na ipinangakong itutuloy hanggang hindi nareresolba ang problema, humingi ng kapatawaran si Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP).
Katunayan, kabilang umano, ayon kay Dela Rosa, sa kanyang panalangin ang nasabing kampanya ng administrasyon na sa ngayon ay umaabot na sa mahigit 5,000 pinaghihinalaang pusher at user ang napatay.
“Let me be frank. While I am begging for forgiveness for what is happening right now, I am also begging your indulgence to please understand if the killings will continue,” pag-amin ni Dela Rosa sa isang panayam sa Camp Crame.
Base sa datos ng PNP, nasa kabuuang 2,124 na pinaghihinalaang tulak at adik ang napatay mula Hulyo 1 hanggang Disyembre 18.
Habang nasa kabuuang 3,993 katao ang napatay ng mga umano’y vigilante group simula Hulyo 1.
“We will not stop our war on drugs. Can we ask for advance forgiveness from the Lord? Maybe not, isn’t it. So let it just be Lord forgive us for what we have done,” pahayag ni Dela Rosa. (Aaron B. Recuenco)