WALANG dapat ipagamba ang mga miyembro ng National Team sa planong pagbibigay ng kontrata sa kanilang pananatili sa koponan.

Ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman ‘Butch’ Ramirez bahagi sa bagong programa ng ahensiya ang pagbibigay ng kontrata para masiguro ang kanilang katayuan sa team, hangga’t walang kongkretong dahilan para sa kanilang maagang pagkasibak.

“We want the athletes to sign a contract with us, for them to have a guarantee na hindi sila basta-basta na lamang aalisin na hindi nila nalalaman ang dahilan ng kanilang pagkakaalis sa kanilang national sports association (NSA’s),” pahayag ni Ramirez, patungkol sa isyu ni tennis star Marian Jade Capadocia na sinibak sa line-up kahit rank player dahil sa pagtanggi sa nais ng tennis association.

“This goes also with the national coaches.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nais naman ni Ramirez na mas mabigyang prayoridad ang mga pambansang atleta at coach na sisimulan nito sa susunod na taon kasabay sa pagsasaayos sa Philippine Sports Institute (PSI).

“We want to help more in the improvement of education among our coach ang athletes,” ayon kay Ramirez.

“Mahigit 26 taon na ang PSC at nakakahinayang na marami pa rin sa ating atleta na matapos makapagsilbi sa bansa ay balik sa kahirapan sa buhay,” aniya.

Iginiit ni Ramirez na kasalukuyan nang sinisimulan ang pagsasagawa ng total rehabilitation sa PhilSports Arena na siyang plano nitong maging tirahan at national training center ng mga atleta at coach sa kasalukuyan.

“Gusto natin na magkaroon ng decency sa lahat ng ating mga national athletes and coaches. Kung dati ay ayaw ipakita ang kanilang tirahan, ako mas gusto ko ipakita sa lahat para malaman nila ang sitwasyon ng ating mga atleta at coach,” aniya. (Angie Oredo)