ISULAN, Sultan Kudarat – Inaasahan nang mas kaunti ang ani ng palay at mais ngayon dahil sa pamemeste ng mga daga at blackbug na nananalasa sa malawak na taniman sa North Cotabato, Sultan Kudarat at mga karatig na lalawigan.
Sa Kabacan, ang “rice granary” ng North Cotabato, sinabi ni David Don Saure, ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), na 49 na magsasaka sa pitong barangay ang napinsala ang mga pananim dahil sa mga daga at blackbug.
Sinabi ni Saure na aabot sa P11 milyon ang kabuuang halaga ng pinsala sa pamemeste sa mga taniman na nagsimula noon pang Oktubre.
Napaulat na pineste rin ng mga balang ang ilang taniman sa Sarangani.
Sa Sultan Kudarat, sinabi ni Santi Allera, ng Provincial Agriculture Office, na nameste rin ang mga daga sa mga taniman noong ikalawang cropping season sa lalawigan. (Leo P. Diaz)