ANG paglamig ng hanging Disyembre, himig ng mga awiting pamasko, kapayapaan ng damdamin at kaayusan ng paligid ay sinasabing palatandaan ng nalalapit na pagdiriwang ng Pasko — ang pinakamasayang araw sa buhay ng sangkatauhan sapagkat pagdiriwang ito ng pagsilang ng Dakilang Mananakop. At sa nalalapit na pagdiriwang ng Pasko, habang patuloy sa paghahanda ang lahat, tulad ng pamimili ng mga panregalo sa ukay-ukay, tiangge at sa Divisoria para sa mga minamahal sa buhay, mga inaanak, mga kamag-anak at iba pang pinagkakautangan ng loob, ang Pasko ay sinasabing may iba-ibang anyo, mukha at kahulugan.
Sa mga Kristiyanong Katoliko, naniniwala silang ang diwa ng Pasko ay nakapaloob sa mensahe ng isilang ang ating Banal na Mananakop na Pag-ibig at Kapayapaan. Nasa bahagi sa inawit ng mga anghel nang isilang si Hesus sa isang sabsaban sa Bethlehem: “Gloria in Excelsis Deo, Et in terra pax hominibus bonae voluntatis” o “Luwalhati sa Diyos sa kaitaasn at sa lupa’y Kapayapaan sa mga taong may mabuting kalooban”.
Sa panahon ng Kapaskuhan, hindi lahat ng mag-anak o pamilya ay nagsasaya. Malungkot ang okasyon at patuloy ang paghihinagpis ng mga asawa, ina, ama, anak at kamag-anak ng mga biktima ng extrajudicial killing sa mga pinagsususpetsahang drug user, pusher at maging sa mga pinatay sa inilunsad na anti-drug operation ng pulisya. Ang laging litanya ng mga pulis: nanlaban at nang-agaw ng baril. Iisa pa lamang na pinaghihinalaang drug lord ang napatay; pinatay kahit nasa loob ng kulungan noong madaling-araw ng Nobyembre 5.
Umaabot na sa 5,000 drug suspect ang napatay. At ngayong magpa-Pasko, ang mga kamag-anak ng mga biktima ay patuloy na sumisigaw at humihingi ng katarungan.
At sa iba pang nawalan ng mahal sa buhay, sa Kapaskuhan ay nakadarama sila ng kahungkagan at pangungulila. Maaaring may ngiti sila sa mga labi, ngunit sa kanilang puso at kalooban ay naroon ang nakatagong pait at kalungkutan.
Kabilang na rito ang mga naging biktima ng malakas na hagupit ng bagyo; silang nawalan ng tahanan at mahal sa buhay.
Kung narating man ng usad pagong na tulong ng gobyerno, marami pa rin ang naghihirap at nagdadalamhati, naghihintay ng tulong at kalinga. Ang Pasko ay isang panahon ng pagsasaya ngunit para sa kanila, ang Pasko’y kalungkutan at hindi mapigil na pagluha.
May nagsasabi naman at naniniwala na ang Pasko‘y isang panahon at pagkakataon upang ang mga Pilipino ay magpahayag at magpakita ng kanilang Christian values, tulad ng pagkakawanggawa, pagbibigayan at pagbabahagi ng kanilang mga biyaya sa kanilang kapwa, lalo na sa mahihirap, kapuspalad, busabos, kumain-dili, mga kalabit-penge o pulubi at mga biktima... ng kalamidad. Nagdadala ng tulong bilang Pamasko sa mga nasa bahay-ampunan at home for the aged.
Maging anuman ang mukha at kahulugan ng Pasko para sa iba nating kababayan, ang diwa nito na naghahatid ng Pag-ibig, Pag-asa at Kapayapaan ay hindi nagbabago. Lagi itong nasa puso, kahit hindi Pasko, ng bawat taong marunong magmahal at may malasakit sa kapwa, habang masidhing pumipintig sa puso ang pananalig sa Dakilang Mananakop. (Clemen Bautista)