Nagpahayag ng tiwala si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kahapon na pananatilihin siya ni Presidente Rodrigo Duterte sa kanyang puwesto kasunod ng pagbubunyag niya na may mga kumikilos para nakawin ang kanyang posisyon.

“May gusto talaga kumuha ng puwesto ko,” sinabi ni Aguirre sa reporters sa Christmas party ng Department of Justice (DoJ) kahapon.

“Pero mahihirapan sila,” may pagmamalaking sabi niya at idinugtong na nasa kanya ang “full support and confidence of the President.”

Ito ang reaksiyon ni Aguirre sa mga kumakalat na alingasngas na gusto siyang tanggalin ni Duterte bilang kalihim ng DoJ.

National

German, tiklo; nagpuslit ng higit ₱55M halaga ng shabu, itinago sa mga Bibliya!

“Alam ko kung sino nagpapakalat ng tsismis,” aniya.

Bagamat walang sinabing mga pangalan, ibinunyag ng kalihim na nasa gobyerno at nasa pribadong sektor ang mga taong kumikilos para matanggal siya dahil sa malaking mawawala sa mga ito habang nasa puwesto siya.

Dati nang tiniyak ni Aguirre na aalis siya sa kanyang puwesto kapag nawalan ng tiwala sa kanya si Duterte dulot ng P50-milyon extortion scandal sa Bureau of Immigration (BI), isa sa mga ahensiyang nasa ilalim ng DoJ.

Sinibak na ni Duterte ang kanilang dalawang fraternity brothers sa Lex Talionis Fraternitas, sina BI Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles na tumanggap umano ng P50 milyon mula sa Macau-based casino tycoon na si Jack Lam bilang kapalit ng pagpapalaya sa ilan sa 1,316 na Chinese na ilegal na nagtatrabaho sa bansa at naaresto sa Fontana Leisure Park and Casino Horel sa Clark, Pampanga na pag-aari ni Lam. (Jeffrey G. Damicog)