Muling binulaga ang mga motorista ng panibagong oil price hike, na ipatutupad ng mga kumpanya ng langis sa bansa, sa pangunguna ng Flying V at Pilipinas Shell, ngayong Martes.

Sa pahayag ng Flying V, epektibo dakong 12:01 ng umaga ngayong Disyembre 20 ay magtataas ito ng 70 sentimos sa kada litro ng diesel, 65 sentimos sa kerosene, at 40 sentimos naman sa gasolina.

Ngayong 6:00 ng umaga ay magpapatupad din ng kaparehong dagdag-presyo sa petrolyo ang Shell at PTT Philippines, kasunod ang kaparehong price hike ng Phoenix Petroleum Philippines, Inc.

Asahan na ang pagsunod ng iba pang kumpanya ng langis sa nasabing oil price hike kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Ang bagong dagdag-presyo sa petrolyo ay bunsod ng paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), ang bentahan ngayon sa diesel ay nasa P27.55 hanggang P32.25 kada litro, samantalang umaabot sa P36-P47 naman ang bawat litro ng gasolina. (Bella Gamotea)