May wish si Pangulong Rodrigo R. Duterte ngayong Pasko: kapayapaan.
Ilang araw bago mag-Pasko, umaasa ang Presidente na matitigil kahit pansamantala ang pakikipaglaban ng militar sa mga komunista, sa mga rebeldeng Moro at maging sa Abu Sayyaf Group (ASG) upang maging mapayapa naman ang selebrasyon ng Pasko ngayong taon sa bansa.
“I’d like to greet everybody, lahat na, to the Filipino people, the law-abiding, and of course, if they find it in their hearts though this is not really something for the Moro but you know that this kind of events is closest to the hearts of the Christians. Na we can have a peaceful Christmas,” sinabi ni Duterte nang bumisita siya sa Western Mindanao Command (WesMinCom) headquarters sa Zamboanga nitong Sabado.
Hinimok din niya ang teroristang grupo ng ASG “[to] take a vacation”.
“I hope that... (the) Abu Sayyaf just take a vacation and if you happen to pass by Davao, let me know and I will treat you to a dinner. Totoo,” sabi pa ni Duterte.
“Nakikiusap ako sa lahat na if we can have a peaceful Christmas. Maybe we can resume fighting some other day,” dagdag niya.
“I’d like to greet everybody, the communists, the Abu Sayyaf, in behalf of the, sa taong Pilipino, Merry Christmas and a prosperous New Year for all,” sabi pa ng Pangulo.
Gayunman, iba ang tono ni Pangulong Duterte sa kanyang mensahe sa mga kriminal, partikular na sa mga sangkot sa kalakalan ng droga.
“Sa mga shabu? Bigyan ko kayo isang platong shabu. Hindi ko na ipaso, ipakain ko. Galit ako sa kriminal,” aniya.
Kagagaling lang sa kanyang state visits sa Cambodia at Singapore, binisita ni Duterte nitong Sabado sa Camp General Navarro Hospital ang 16 na sundalong nasugatan sa pakikipagbakbakan sa ASG sa Basilan at Sulu.
Nagbigay ang Pangulo ng P100,000 tulong pinansiyal at bagong cell phone sa bawat isa sa mga sugatang sundalo, habang P250,000 naman ang ipinagkaloob niya sa bawat isa sa pamilya ng tatlong nasawi sa sagupaan na sina Cpl. Mushier M. Kahaluddin, PFC Kennedy A. Osing, at PFC Jay G. Boctot. (May ulat ni Beth Camia) (ELENA L. ABEN)