Sugatan ang isang tindero makaraang saksakin ng sarili niyang bayaw habang sila’y nag-iinuman sa Port Area, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dalawang tama ng saksak sa katawan ang tinamo ni Allan Musa, 43, ng Block 15A, Baseco Compound, Port Area, Maynila, at kasalukuyang inoobserbahan sa isang ospital.
Samantala, mabilis namang tumakas ang suspek na si Juanito Sanchez Jr., 32, at residente rin ng naturang lugar.
Sa ulat ni Police Supt. Romeo Desiderio, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 5, dakong 12:40 ng madaling araw ay masayang nag-iinuman ang suspek at ang biktima, kasama ang isa pang kaanak, sa loob ng kanilang bahay, nang bigla na lang umanong magpakita ng hindi magandang pag-uugali ang suspek.
Dahil dito, tinangka umanong pakalmahin ng biktima ang suspek ngunit sa halip na magpaawat ay bigla umano itong bumunot ng patalim at dalawang beses sinaksak ang biktima. (Mary Ann Santiago)