WASHINGTON (AFP, Reuters) – Umagaw ng maraming atensyon ang tweet ni US President-elect Donald Trump noong Sabado na pinupuna ang China sa pagkumpiska nito sa isang naval drone ng US.

‘’China steals United States Navy research drone in international waters -- rips it out of water and takes it to China in unpresidented (sic) act,’’ sulat ng real estate magnate sa kanyang favorite platform.

Agad na naging top trending topic ang salitang ‘’unpresidented’’ sa Twitter sa United States. Pinagpiyestahan ng online wags ang maling spelling ng president-elect.

‘’TrumpSpellCheck -- Unpresidentedly effective,’’ tweet ng ‘’Harry Potter’’ author na si JK Rowling.

National

PBBM sa Undas: ‘Let this day of memorial rekindle us to be better Filipinos’

‘’Dear world, most Americans really wish we could be #unpresidented,’’ sulat ng isa pa.

Nanimbang maging ang dictionary na Merriam-Webster. ‘’The #WordOfTheDay is... not ‘unpresidented’. We don’t enter that word. That’s a new one,’’ tweet nito.

Binura ni Trump ang kanyang tweet matapos ang isang oras, at pinalitan ito ng tamang salita na ‘’unprecedented.’’

Kinutya man ng marami ang baguhang politiko, sinuportahan naman siya ng ilan na nagsabing mas pinapansin pa ng mga kritiko ang typo error ni Trump at nabalewala na ang mas malaking problema.

Ang tweet ni Trump ay tungkol sa pagkumpiska noong Huwebes ng China ng isang unmanned US naval probe sa international waters ng South China Sea, isang seryosong panggagalit sa gitna ng mainit na tensyon sa pagitan ng dalawang malaking puwersa. Nitong Sabado, sinabi ng China na ibabalik nito ang underwater drone ng US na kinumpiska ng barko nito, ngunit nagreklamo na pinapalaki ng Washington ang insidente.

Isinapubliko ng Pentagon ang reklamo nito sa pagkakakumpiska sa unmanned underwater vehicle (UUV).

Sinabi ni Pentagon spokesman Peter Cook na legal ang operasyon ng drone na nangongolekta ng data tungkol sa salinity, temperature at clarity ng tubig halos 50 nautical miles sa hilagang silangan ng Subic Bay, sa Pilipinas. Sinamsam ito habang pabalik sa USNS Bowditch.

Ayon sa Defense Ministry ng China, nadiskubre ng Chinese naval vessel ang isang “unidentified equipment” at sinuri ito para maiwasan ang anumang isyu sa navigational safety bago nalaman na ito ay isang US drone.

“China decided to return it to the U.S. side in an appropriate manner, and China and the U.S. have all along been in communication about it,” sabi ng ministry sa website.

“During this process, the U.S. side’s unilateral and open hyping up is inappropriate, and is not beneficial to the smooth resolution of this issue,” dagdag dito.