NAHADLANGAN ang panukalang imbestigahan ng United Nations ang posibleng mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas makaraang tanggihan ni UN Repporteur on Extrajudicial, Summary, and Arbitrary Executions Agnes Callamard ang ilang kondisyon na napaulat na itinakda ng gobyerno ng Pilipinas bago isagawa ang pagsisiyasat.
Inimbitahan siya noong Setyembre ni Executive Secretary Salvador Medialdea na bisitahin ang Pilipinas at “see for yourself” kung tunay ngang may basehan ang pandaigdigang pagbatikos sa kampanya ni Pangulong Duterte laban sa ilegal na droga.
Nitong Biyernes, sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Callamard na hindi niya dapat na tanggapin ang ilang kondisyon na taliwas sa umiiral na panuntunan para sa mga gaya niyang UN special rapporteur. Isa sa mga kondisyon, aniya, ay ang isasapublikong debate nila ni Pangulong Duterte. Sa halip, iminungkahi niya na magkaroon na lamang sila ng pribadong debriefing ng Presidente, at pagkatapos ay sabay silang haharap sa isang press joint conference upang bigyang-pagkakataon ang Pangulo na pabulaanan ang anumang negatibong matutuklasan sa imbestigasyon ng UN.
Matagal nang itinatanggi ni Pangulong Duterte na may nangyayaring extrajudicial killings sa bansa. Sa kanyang pagtatalumpati sa pagpaparangal sa mga nagwagi sa Belenismo Festival sa Tarlac noong nakaraang linggo, sinabi ng Pangulo na ipinag-utos niya sa pulisya na isa-isang tugisin ang mga tulak ng droga at arestuhin ang mga ito. Kung armado at nanlaban, aniya, hindi dapat na manganib ang buhay ng mga pulis. “Unahan na ninyo. That’s my order,” aniya.
Kinabukasan, sa isang seremonya ng pagpaparangal sa Malacañang para sa Ten Outstanding Young Men and Women, itinanggi niya ang mga ulat na ineendorso niya ang summary executions. Sinabi niyang hindi siya mangingiming barilin ang sinumang pulis o sundalo na papatay o magpapahirap sa mga inosenteng sibilyan.
Sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na hindi labag sa batas ang mga pagbabanta ng Pangulo na papatayin ang mga adik at tulak maliban na lang kung aktuwal na gagawin ito. Ang hindi magagandang pananalita na ginamit ng Presidente sa pagtugon sa kanyang mga kritiko, gaya nina United States President Barack Obama at United Nations Secretary General Ban Ki-Moon ay maaaring hindi “presidential”, aniya, ngunit “not illegal.”
Simula nang ilunsad ang kampanya ng gobyerno laban sa droga, halos 6,000 katao na ang napatay, at 2,000 sa mga ito ang nasawi sa mga lehitimong operasyon ng pulisya. Nangangahulugan ito na nasa 4,000 ang pinatay ng mga umano’y vigilante, ayon kay Senador Panfilo Lacson, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
Nanawagan ang senador sa National Bureau of Investigation na imbestigahan ang mga pagpatay.
Umaasa tayong magkakaroon ng kasunduan sa usapin upang maisagawa ang imbestigasyon ng UN gaya ng pinlano at itinakda. Makatutulong ito upang malinawan ang sitwasyon at masagot ang mga katanungan tungkol sa kampanya laban sa droga ng bagong administrasyon habang naghahanda sa pagsisimula ng susunod na bahagi ng programa ni Pangulong Duterte para sa pagbabago, ang kampanya laban sa kurapsiyon sa pamahalaan.