kristel-macrohon-copy

MAY mga sumusunod na sa yapak ni Rio Olympic silver medalist Hidilyn Diaz.

Matikas ang kampanya ni Kristel Iso Macrohon sa nakamit na tatlong bronze medal sa 4th Qatar International Cup at 2016 Asian Cup sa Doha Intercontinental Hotel nitong Biyernes sa Doha, Qatar.

Binuhat ng 20-anyos na si Macrohon, pambato ng Pasobolong, Zamboanga City, ang mabigat na 80kg. sa snatch, bago isinunod ang 110kg. sa clean and jerk para sa kabuuang bigat na 190kg. sa women’s +75kg. category.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Napunta ang gintong medalya sa Kazakhstan habang pilak sa Iran.

Ang tatlong bronze ang pinakaunang medalya sa international competition ng college student mula sa Zamboanga Institute of Aviation and Technology (ZIAT) at bahagi ng Universidad de Zamboanga Weightlifting Training Club.

Nakasama ni Macrohon sa pagtungo sa Qatar ang Zamboanga City Councilor at beteranong coach na si Elbert Atilano na matatandaang parte sa paghubog at pagsasanay ni Diaz .

Tampok sa ikaapat na edisyon ng Qatar International Cup ang mga manlalaro mula sa Egypt, Italy, Netherlands, Kazakhstan, Cameroon at Uganda habang kasali naman ang UAE, Iraq, India, Japan, Tajikistan, Uzbekistan, Nepal, Afghanistan, Thailand, Pilipinas at host Qatar sa Asian Championship.

Pinaglabanan sa torneo ang mga kategorya na 56-kg, 62-kg., 69-kg, 77-kg, 85-kg, 94-kg, 105-kg at over 105-kg.

Matatandaang nakapag-uwi din ng isang tanso si Macrohon sa clean and jerk sa 63kg junior division ng Asian Youth and Junior Weightlifting Championship na ginanap sa Tokyo, Japan upang ibigay sa Pilipinas ang kabuuang pitong medalya sa torneo na ginanap sa Otaku City Gymnasium. (Angie Oredo)