SA pangingikil ng P50 milyon nina Bureau of Immigration (BI) Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles kay Jack Lam, ang naging hakbang lang ni Pangulong Digong ay sibakin ang dalawa sa puwesto. Ano na iyong sinabi niyang:

“If anything happens under your watch, I’m sorry, maybe, even you would have to resign.”? Walang siyang ginawa, o kaya tahimik lamang siya kay Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre III. Eh, nasa ilalim ng pamamahala nito ang BI, kaya, pananagutan niya sina Argosino at Robles. Kaya walang bigat ang binitiwang salita ng Pangulo kaugnay sa katiwalian na wala raw siyang patatawarin maski kaibigan. Kaeskwela ng Pangulo si Aguirre sa San Beda College of Law at “brod” pa sa Lex Taliones Fraternity.

Sa pag-dismiss ng Pangulo kina Argosino at Robles, hindi magandang mensahe ang naiparating niya sa mga kapwa niya nasa gobyerno. Hindi sa ganitong paraan niya epektibong malalabanan ang katiwalian. Sa palagay kaya ninyo matatakot gumawa ng anomalya ang mga nasa gobyerno kung aalisin lamang sila sa puwesto, pero nagkamal na sila ng malaking halaga?

Halimbawa, kung napasakamay na nina Argosino at Robles ang P50 milyon, iintindihin pa ba nila iyong masibak sila sa kanilang posisyon? Sobra-sobra na ang perang ito, kahit hindi na sila magtrabaho. Kaya lang nga, hindi lang para sa kanila ito, bibiyakin pa ito sa iba pa nilang kasabwat. Isa o dalawang linggo na pa lang, nasa pag-iingat na nila ang P50 milyon, kaya lang hindi pa nila maparte-parte ito dahil umaalingasaw na ang masamang amoy nito.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Hindi ko alam kung paano ilalabas ni Aguirre ang kanyang sarili sa anomalyang ito. Nalagay siya sa dating kinalagyan ni Sen. Leila de Lima noong siya rin ang DoJ secretary. Sinabi ni Aguirre na imposibleng hindi alam ni De Lima ang nangyayaring illegal drug trade sa New Bilibid Prison dahil nasa ilalim ng kanyang pamamahala ito. Kaya, sa paniniwala niyang ito, binuo niya ang kaso laban sa Senadora gamit ang mga preso nang isagawa ang committee hearing sa Kamara. Puwede na rin ibalik ng Senadora kay Aguirre... ang sinabi nito sa kanya na imposibleng hindi alam ni Aguirre ang pangingikil na ginawa nina Argosino at Robles dahil hindi lamang nasa ilalim niya ang dalawa kundi magkaeskuwela pa sila at mag-brod sa fraternity.

Mahirap nang gumanap ng tungkulin si Aguirre lalo na’t may kaugnayan ito sa katarungan kung sangkot naman sa anomalya ang kanyang departamento. (Ric Valmonte)