HINDI katulad ni ex-Pres. Noynoy Aquino si President Rodrigo Roa Duterte. Hindi idinedeklarang pista opisyal (holiday) ni PNoy ang araw ng Lunes kapag ang regular holiday ay tumama o natapat sa araw ng Linggo. Idineklara kamakailan ng Malacañang na special non-working holiday ang Disyembre 26 (Lunes) at Enero 2 (Lunes) dahil ang regular holiday ay kapwa tumama sa araw ng Linggo (Sunday).

Layunin ng Du30 administration na bigyan ng mas mahabang oras o araw ang mga Pilipino na makapiling ang kani-kanilang pamilya. Sabi nga ng mga kaibigan kong nagtatrabaho sa Metro Manila na ang pamilya ay nasa probinsiya, kapuri-puri ang deklarasyon ng Malacañang na gawing pista-opisyal ang Disyembre 26, 2016 at Enero 2, 2017.

Hindi raw nila maintindihan kung bakit sinusuway ni ex-Pres. PNoy ang tradisyunal na kalakaran kapag ang regular holiday ay pumatak sa araw ng Linggo (Sunday), dapat na walang pasok sa Lunes dahil talaga namang walang pasok tuwing Linggo ang mga manggagawa at kawani. Ibig bang patunayan ni PNoy na mas masipag siya kaysa kay Mano Digong?

May naghihinala tuloy na marahil ay hindi nauunawaan ng binatang ex-President (binata pa rin hanggang ngayon) ang pangangailangan at kasiyahan ng mga empleyadong makauwi sa kanilang pamilya tuwing araw ng Pasko at Bagong Taon palibhasa’y soltero at walang uuwiang pamilya sa probinsiya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kung may nakalusot na mga miyembro ng Duterte cabinet sa Commission on Appointment (CA), mayroon ding “nabalaho” o hindi kinumpirma ng makapangyarihang komisyon ang appointment. Kabilang sa siyam na na-bypass ng CA ay sina Agriculture Sec. Emmanuel Piñol, Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano, Education Sec. Leonor Briones, Environment Sec. Regina Lopez, Health Sec. Jean Ubial, Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, DSWD Sec. Judy Taguiwalo, at DFA Sec. Perfecto Yasay Jr.

Batay sa mga report, ikalawang beses na ang siyam na miyembro ng gabinete ni Pres. Du30 ay na-bypass. Posibleng ang dahilan daw ay may kontra sa kanilang kumpirmasyon o kaya naman ay kabiguan nila (appointee) na magsumite ng mga dokumento, gaya ng clearances mula sa Office of the Ombudsman at mga korte. Eh, sinu-sino ba ang may nakahaing mga kaso sa tanggapan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales?

Alam ba ninyo mga kababayan na may average na 30 tao ang napapatay araw-araw sa nakaraang 167 araw sa ilalim ng Du30 administration o mahigit 5,000 kaugnay ng kampanya laban sa kriminalidad, lalo na sa illegal drug trade? Batay sa record ng PNP, lumilitaw na 2,102 drug pusher at user ang umano’y napatay dahil nanlaban sa mga pulis, at 2,886 ang napatay sa ilalim ng “sketchy circumstances” tulad ng vigilantes, ninja cops at sindikato. Ang gayong mga kaso ay nakalista bilang “death under investigation” o DUI.

Maglalabas na ng bagong pera (banknotes) ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nagtataglay ng signature o pirma ni President Duterte. Ayon kay BSP Gov. Amando Tetangco, ang tinatawag na “new generation currency (NGC) bills” na may lagda ng pangulo ay ilalabas ngayong linggo. Kasama rin ang lagda ni Tetangco... na posibleng hiranging muli ni Pres. Rody sa pangatlong pagkakataon (unprecedented) kapag nag-expire ang kanyang termino sa Hulyo, 2017. Unang hinirang ni GMA si Tetangco. Muli siyang hinirang ni PNoy noong 2010. Sa pangatlong pagkakataon, hihirangin uli siya ni Duterte.

Handa raw ang US na komprontahin ang China sa South China Sea. Noong panahon ni US Pres. Barack Obama, iwas-pusoy ang Amerika sa tandisang pagkampi sa Pilipinas kaugnay ng unti-unting pananakop ng bansa ni Pres. Xi Jinping. Kung ito ang magiging patakaran ng administrasyon ni US Pres.-elect Donald Trump, aba okey ito, pero ‘wag naman sanang mauwi sa World War III. Samantala, Inaasahang lalago ang mga negosyo ng Pilipinas sa Cambodia bunsod ng pagbisita ni Pres. Du30 sa bansang ito. Sana naman! (Bert de Guzman)