Nina ROY MABASA at BETH CAMIA

May banta si Pangulong Rodrigo Duterte sa Amerika: Maghanda nang umalis sa Pilipinas, at sa pagpapawalang-bisa sa Visiting Forces Agreement (VFA) kalaunan.

Ito ang naging tugon ni Pangulong Duterte matapos magpasya ang Amerika na hindi na nito ire-renew ang isang pangunahing financial aid package sa Pilipinas na idinadaan sa Millennium Challenge Corporation (MCC) nito, dahil na rin sa mga pangamba ng bansa sa mga paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng kampanya ng gobyerno laban sa droga.

“If we are a country that is very dangerous,” sinabi ng Pangulo sa pagdating niya sa Davao International Airport nitong Biyernes ng gabi pagkagaling niya sa mga state visit sa Cambodia at Singapore. “If you think that there is crime there because we execute people, if you think that there is extrajudicial killing here...So why are you here?”

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“What is your purpose in this Visiting Forces Agreement?” dagdag ni Duterte. “So why don’t you just leave.”

Sinabi ni Pangulong Duterte na hindi kailangan ng Pilipinas ang anumang tulong pinansiyal mula sa Amerika dahil nagpahayag na ang China ng kahandaang magkaloob ng pera na kakailanganin ng Pilipinas.

“So, ba-bye America and work on the protocols that would eventually move you out from the Philippines,” sabi niya. “We are glad that we are freed from proving anything to the United States.”

Aniya, hindi nauunawaan ng Amerika ang “awesome enormity and the hugeness of the problem of how to treat four million addicts”, at sa halip, aniya, na tumulong sa pagpapagamot sa mga adik, ang Amerika “just went ahead to shout about human rights.”

“We do not need it,” giit pa ni Duterte tungkol sa tulong pinansiyal na iniurong ng Amerika. “Better shut up, you hypocrites.”

Gayunman, inamin niyang kukuha pa rin siya ng signal mula kay US President-elect Donald Trump, na naging maayos naman, aniya, ang pagtrato sa kanya.

Kumbinsido si Pangulong Duterte na si US President Barack Obama ang may pakana sa desisyon ng MCC bilang ganti umano sa pagmura niya rito.