DAGUPAN CITY, Pangasinan - Malaki ang posibilidad na tuluyan nang hindi maidaos sa Bagong Taon ang pinakaaabangan at dinadayong tradisyon ng pagpapaputok ng mga residente ng Pogo Grande sa Dagupan City.

Daang libong paputok ang sabay-sabay na sinisindihan ng mga taga-Pogo Grande tuwing Enero 1 ng tanghali, isang nakaugalian nang tradisyon simula noong 2007.

Dinadayo ang taunang tradisyong ito ng mga mula sa kalapit na barangay at nagdadatingan maging ang mga balikbayan.

Gayunman, may pangamba ang mga taga-Pogo Grande na hindi na maidaraos ang nabanggit na tradisyon sa Enero 1, 2017.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Ito ay matapos sabihin ni Dagupan City Police chief Supt. Niel Miro na ipagbabawal na ang nakasanayang pagsisindi ng daan-libong paputok sa Pogo Grande.

Makikipagpulong si Miro sa mga opisyal ng barangay at mga residente upang bigyang-linaw ang pagbabawal ng pagpapaputok, lalo na dahil karaniwan nang mga ipinagbabawal na paputok ang ginagamit dito.

Iginiit na determinado siyang ipagbawal ang pagpapaputok dahil masama ito sa kalusugan at kalikasan, sinabi ni Miro na magpapadala siya ng Special Weapons and Tactics (SWAT) sa lugar para pigilan ang sinumang mangangahas magpaputok.

Banta pa ni Miro, aarestuhin ng mga pulis ang sinumang lalabag. (Liezle Basa Iñigo)