TUMANGGAP na si Ryan Reynolds ng star sa Walk of Fame ng Hollywood noong Huwebes. Ayon sa Canadian actor, ang karangalan ay higit pa sa kanyang inaakala.
Nagbalik-tanaw ang 40-anyos na aktor, na kasama ang kanyang asawang American actress na si Blake Lively at ang kanilang dalawang anak na babae, kung paano siya namamangha kapag dumadaan sa Hollywood kasama ang isa sa kanyang mga kapatid 15 taon na ang nakalilipas.
“For me to have my name among them is beyond anything I could ever imagine,” ani Reynolds, na nominado ngayong unang bahagi ng linggo sa Golden Globe award para sa kanyang pagganap sa Deadpool.
Kasama niya sa seremonya sina Rhett Reese at Paul Wernick, na sumulat ng screenplay para sa Deadpool at pinuri ang aktor, na inilarawan si Reynolds bilang “the greatest, goodest guy we know.”
“They say diamonds are forever. Well our good friend, so is cement, unless of course you run for president and someone attacks your star with a sledgehammer,” ani Wernick. “But you can’t because you’re Canadian.”
Nagmula sa Vancouver, nag-umpisa ang career ni Reynolds sa pagbibida sa television series at mga pelikula at nagtungo sa Los Angeles.
Nagbida rin siya sa ilang pelikula na hinalaw sa comic books kabilang ang X-Men Origins: Wolverine, Green Lantern, at Deadpool.
Kinilala bilang “Sexiest Man Alive” ng People magazine noong 2010, dating ikinasal ang aktor kay Scarlett Johansson.
Naghiwalay ang dalawa at ikinasal naman siya kay Lively noong 2012.
Pinasalamatan ni Reynolds ang asawa noong Huwebes sa suporta nito at sinabing ito ang “the best thing that has ever happened to me,” at pabirong idinagdag na, “second only to this star.” - AFP