Opisyal nang malaya ngayon si Rolito Go matapos na isilbi sa kanya ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong Biyernes ng gabi ang kanyang release papers sa Metropolitan Hospital sa Maynila kung saan ilang taon na siyang naka-confine dahil sa colon cancer.

Biyernes nang ipag-utos ng Korte Suprema ang pagpapalaya kay Go at inihayag ng BuCor na kailangang bumalik si Go sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City para sa pagpoproseso ng kanyang release papers.

Sa halip, sa mismong ospital na iprinoseso ng mga tauhan ng BuCor ang release papers ni Go dahil hirap na umanong gumalaw ang huli at mahihirapan sa balikang biyahe.

Mahigit dalawang dekadang napiit si Go sa NBP matapos siyang mahatulan sa pagbaril at pagpatay sa 25-anyos na estudyante ng De La Salle University na si Eldon Maguan noong Hulyo 2, 1991, dahil sa away-trapiko.

Higit 7k pulis, ide-deploy para sa pagdiriwang ng Chinese New Year 2026

“Ako po ay masayang masaya. Salamat sa Diyos. 2013 dapat laya na ako. Masayang masaya ako at makakasama ko na pamilya ko,” sinabi ni Go sa panayam sa kanya ng ABS-CBN News.

May mensahe rin si Go para sa pamilya ni Maguan: “Sana maunawaan nila ‘yung nangyari sa akin, ‘yung sitwasyon na nangyari sa anak nila hindi intensyon na mangyari, aksidente yan.” (Jonathan M. Hicap)