CEBU CITY – Kulungan ang kinahantungan ng dalawang lalaki na inutusang mag-deliver ng “regalo” na nakasilid sa isang berdeng Christmas paper bag makaraang matuklasan ng mga awtoridad na P30-milyon halaga ng shabu pala ang bitbit ng mga ito.

Inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 7 na nakabase sa Cebu City sina Roljoy Rosette, 33; at Joshiel de Jesus, 28, sa buy-bust operation sa 6th Street, North Reclamation Area sa Barangay Carreta, Cebu City, pasado 6:00 ng gabi nitong Biyernes.

Ayon kay CIDG-7 chief Supt. Fermin Armendarez III, apat na buwan na silang nakikipagtransaksiyon sa mga suspek dahil nagdadalawang-isip pa ang mga ito.

Sinabi ni Armendarez na sa telepono lamang nila isinagawa ang transaksiyon at hindi ito tuluy-tuloy at hindi na nila ma-contact ang dalawa limang araw na ang nakalipas, hanggang sa sumang-ayon ang mga itong magbenta ng 2.5 kilo ng shabu.

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!

Ayon kay Armendarez, ang shabu na nakumpiska mula sa mga suspek ay nagkakahalaga ng P29.5 milyon sa presyuhang P11,800 kada gramo.

Gayunman, itinanggi ni Rosette na nagsu-supply siya ng droga, at iginiit na binayaran lang siya ng P1,000 upang i-deliver ang package. Depensa naman ni De Jesus, isinama lang siya ni Rosette.

Sinabi naman ni Armendarez na tutuntunin ng pulisya kung sino ang drug supplier na nag-utos sa transaksiyon.