IPRINOKLAMA ang International Migrants Day ng United Nations General Assembly noong Disyembre 4, 2000, bilang pagtugon sa dumaraming migrante sa buong mundo at upang mabigyang pansin ang mga pagsisikap, kontribusyon, at karapatan ng mga migrante sa buong mundo. Pinasimulan nito ang pagpapatupad ng United Nations (UN) International Convention on Protection of the Rights of Migrant Workers and their Families (A/RES/45/158) 26 taon na ang nakalilipas, noong 1990, na itinatag upang maitaguyod at mabigyang proteksiyon ang mga karapatan ng mga migrante.
Kinikilala at pinapupurihan ng Pilipinas ang overseas workers hindi lamang sa pagdiriwang ng International Migrants Day tuwing Disyembre 18, kundi sa paggunita ng Disyembre bilang Month of Overseas Filipinos, alinsunod sa Presidential Proclamation No. 276, s. 1988. Inilabas ang proklamasyong ito bilang pagkilala sa milyun-milyong Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo bilang immigrants, mga manggagawa, estudyante, at propesyunal, na malaki ang iniaambag sa ekonomiya ng bansa.
Ayon sa estadistika ng Philippine Overseas Employement Administration noong 2015, umaabot sa 1,844,406 ang overseas Filipinos – sa kalupaan at sa mga karagatan – ang umalis upang magtrabaho sa iba’t ibang bansa. Umaabot sa halos 10 milyong Pilipino ang kabuuang migrant workers sa buong mundo.
Iba’t ibang organisasyon, komunidad, at civil society groups ang nagdiriwang ng International Migrants Day sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad na layuning makapagmulat ng kamalayan ng publiko tungkol sa mga migrante, sa kanilang mga problema at mga isyung kinakaharap, human trafficking, at ang kalagayan ng mga anak ng mga migrant worker, ang laban ng mga refugee, pati na rin ang mga pamamaraan upang labanan ang racism.
Sa paggunita natin ngayong taon ng International Migrants Day, magsasama-sama ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, civil society, at mga migrant group, at iba pang concerned organizations upang pag-usapan ang mga isyung kinakaharap ng mga migrant worker at makabuo ng mga estratehiya upang solusyunan ang mga isyu, lalo na kung isasaisip na parehong nakikinabang sa kasipagan ng mga migrante ang ating bansa at ang ang bansa na kanilang pinuntahan. Mahalaga ring solusyunan ang global migration phenomenon – ang mga refugee na napipilitang umalis sa kanilang mga komunidad at mga bansa para makatakas sa giyera at kaguluhan, at pati na rin sa mga kalamidad.