Sisimulan na ng Land Transportation Office (LTO) sa Lunes ang pamamahagi ng mga driver’s license para sa mga motorista sa Metro Manila.

Sinabi kahapon ng LTO na 700,000 driver mula sa National Capital Region (NCR) ang tatanggap na ng kani-kanilang plastic card simula bukas, Disyembre 19.

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Edgar Galvante, ang pamamahagi ng matagal nang nabimbin na plastic card ay isang “early Christmas gift to the public” sa harap ng kakapusang ilang taon ding hinarap ng ahensiya.

Gayunman, nilinaw ni Galvante na tatanggap lamang ng mga license card ang mga nag-apply mula Enero hanggang Oktubre 16, 2016 sa 36 na licensing office ng LTO sa Metro Manila. Tatlong taon lang din ang validity ng mga lisensiya, dahil ang cut-off para sa five-year license validity period ay noong Oktubre 17, 2016 lamang.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa LTO chief, makukuha ng aplikante ang lisensiya nito sa opisinang inaplayan, at ipinaalala rin sa publiko na wala nang kailangang bayaran sa pagke-claim ng driver’s license card, ngunit iprisinta lamang ang resibo.

Sinabi ng LTO na umabot na sa tatlong milyon ang backlogs sa driver’s license at 700,000 sa mga ito ang mula sa Metro Manila.

Kinapos ang lisensiya nang pahintuin noong Oktubre 15 ng isang korte sa Maynila ang P336.8 million-deal ng LTO sa Allcard Plastics Philippines, Inc. dahil umano sa mga iregularidad.

Umaasa naman si LTO Executive Director Romeo Vera Cruz na maipapamahagi na rin ng ahensiya ang mga license card para sa Regions 3, 7 at 11 bago matapos ang 2016. - Vanne Elaine P. Terrazola