Sisimulan na sa susunod na taon ang livestreaming ng mga closed-circuit television (CCTV) camera sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), pagkukumpirma ng Bureau of Customs (BoC).

Ayon sa BoC, nakatakdang ikabit ang 59 na CCTV unit sa arrival area ng nabanggit na paliparan upang maantabayanan ang bawat bagahe ng pasahero sa NAIA terminal 1.

Sinabi ni Commissioner Nicanor Faeldon, habang iniinspeksiyon ang special lane para sa overseas Filipino workers (OFWs) at balikbayan sa nasabing terminal, hindi magtatagal ay mapapanood na rin ang live footages sa command center ng BoC sa Port Area, Maynila.

Inilunsad ng BoC ang online streaming ng CCTV footages sa loob at labas ng BoC main building, kabilang ang opisina ni Faeldon, noong Setyembre 1 upang palaganapin ang transparency sa nasabing tanggapan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aabot sa 94 na CCTV unit ang ikinabit sa lugar, partikular na sa BoC, NAIA, Port of Manila (POM), at sa Manila International Container Terminal (MICT).

Maaaring ma-access ang livestreaming sa pamamagitan ng public IP address 119.92.124.28, at maaaring mapanood sa computer at cell phone.

Apat na araw matapos ilunsad ang livestreaming, inanunsiyo ng BoC na nahagip ng camera ang isang babaeng empleyado ng Philippine Ports Authority (PPA) na nakisangkot sa umano’y kurapsiyon sa Port of Manila building.

Dahil dito’y ipinag-utos ni PPA general manager Jay Daniel Santiago na sibakin ang hindi pinangalanang empleyado habang isinasagawa ang imbestigasyon, idinagdag na hindi nila kukunsintihin ang ilegal na gawain. (Argyll Geducos)