MARAMING kahulugan ang Pasko sa napakaraming tao. Ito ay nangangahulugan ng pagpapatugtog ng mga awiting pamasko kahit Setyembre pa lamang, mga lansangan na punumpuno ng mga ilaw sa Metro Manila at iba’t iba pang siyudad, mga estatuwa ni Santa Claus sa malls, pagpapalitan ng mga regalo at mga Christmas party, mga Christmas tree na balot na balot ng mga ilaw at maliwanag na bituin sa pinakatuktok.

Noong 2007, naisip ng Tarlac Heritage Foundation na sa lahat ng mga pagdiriwang na ito, sa lahat ng makukulay at maniningning na mga ilaw, lahat ng kantahan at lahat ng kasiyahan sa Kapaskuhan, kinakailangang maipagunita sa lahat ang tunay na diwa ng Pasko – ang tunay na dahilan ng pagdiriwang – at ito ay ang kapanganakan ni Kristo. Kaya inilunsad nila ang paligsahan sa paggawa ng magagandang Belen na sinasalihan ng lahat ng lokal na pamahalaan, iba’t ibang ahensiya at opisina ng pamahalaan, mga pribadong samahan sa buong probinsiya.

Ang pinakatampok sa gitna ng bawat Belen ay ang sanggol sa sabsaban kasama sina Maria at Jose, na napapaligiran ng mga pastol at ng kanilang mga tupa, ng tatlong Haring Mago, at ng mga anghel na umaawit sa itaas. Nitong mga nakaraang taon, may iba’t ibang interpretasyon sa naganap nang gabing iyon sa Kapanganakan ng Mesiyas, gamit ang mga materyales na matatagpuan sa kani-kanilang lugar, sa Belenismo Festival ng Tarlac – na ipinangalan sa Belen, ang tawag sa Kastila ng Bethlehem, na sinilangan ni Jesus.

Pinangunahan ni Pangulong Duterte ang pagkakaloob ng mga premyo sa mga nanalo sa limang kategorya sa festival ngayong taon – community, church, monumental, grand municipal, at grand non-municipal (mga ahensiya ng gobyerno at mga pribadong establisimyento). Sinabi ng Presidente na natuwa siya na nakikibahagi ang militar at pulisya sa Tarlac sa tradisyong isinasagawa ng Tarlac sa paggunita sa Kapanganakan ni Kristo. “Our country’s police force has been under fire for alleged extra-judicial killings,” sabi niya. “But tonight, they showed that they are not the monsters that many perceive them to be. They too know that Christmas should be celebrated with the birth of Christ in mind.”

Ngayong Pasko, sa buong mundo, ang Belen ay itinatampok sa maraming lugar upang gunitain ang kasaysayan ng kapanganakan ni Kristo. Bukod sa tradisyonal na Christmas tree sa gitna ng St. Peter’s Square sa Vatican, ang life-sized na Belen ngayong taon ay kabilang sa mga guho sa basilica ng St. Benedict sa Malta na giniba ng lindol nitong Oktubre. Sa Estados Unidos, taun-taon ding gumagawa ang Metropolitan Museum of Art sa New York City at ang Carnegie Museum of Art sa Pittsburgh ng kanilang Neapolitan Nativity Scenes. Ang mga siyudad sa Australia, Canada, Germany, Italy, Poland, ang United Kingdom, at sa iba’t ibang bahagi pa ng mundo ay may kani-kaniyang Belen. At, siyempre, may taunang Nativity Scene sa Bethlehem mismo, kung saan nagsimula ang lahat, sa gitna ng Orthodox Church of the Nativity at ng plaza ng bayan.

Magsiawit tayo ng mga awiting pamasko ngayong Pasko, humanga sa kumukuti-kutitap at maniningning na mga ilaw, makihalakhak kay Santa Claus, makipagpalitan ng mga regalo sa mga party, pero huwag nating kalimutan ang tunay na dahilan ng ating pagdiriwang sa Pasko – ang kapanganakan ni Kristo Jesus sa sabsaban sa Bethlehem mahigit dalawang libong taon na ang nakalilipas.