LOS ANGELES (AP) – Wala na sa top ranking si Tiger Woods at bokya sa kampeonato sa nakalipas na taon. Ngunit, may isang bagay na hindi nawawala sa 14-time major titlist – charisma.

Sa kanyang pormal na pagbabalik-aksiyon sa Tour, bagong kontrata para sa bagong endorsement deal ang nilagdaan ng dating world No.1 sa Bridgestone golf ball. Ipinahayag ng Bridgestone Golf nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) na pumirma si Woods ng multi-year agreement sa kompanya para gamitin at ipakilala ang kanilang golf ball. Naging free agent si Woods sa equipment deals matapos magdesisyon ang Nike na itigil ang paggawa ng clubs at golf balls at ituon ang pansin sa apparel.

Bunsod nito, ang Bridgestone ang bagong equipment company na ipakikilala ni Woods mula nang maging pro may 20 taon na ang nakalilipas. Naging modelo siya ng Titleist (equipment) at Nike (footwear and clothing) noong 1996, at nagsimula ang paggamit niya ng Nike equipment noong Mayo 2000.

Hindi inilahad ang laman ng kontrata. May 15 buwan nang hindi nakalalaro si Woods sa Tour dahil sa operasyon sa likod. Sa kabila nito, siya pa rin ang usap-usapan sa sports.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sa kanyang unang torneo para sa 2017 season ng PGA Tour may isang linggo na ang nakalilipas, tumabla si Woods sa ika-15 sa 18-man field sa Bahamas.

Ayon kay Woods akma sa kanyang diskarte sa spin ang Bridgestone B333-S.

"hands-down the best for my game. The ball is reacting identical with how I want to play," sambit ni Woods.

"For me, that's fun."