“Pusher ako, huwag tularan. Susunod ka na.”
Ito ang nakasulat sa kapirasong papel na iniwan sa tabi ng bangkay ng isang hinihinalang drug pusher na pinagbabaril ng riding-in-tandem sa Malabon City, kahapon ng umaga.
Nagtamo ng bala sa ulo at dibdib si Reynaldo Cruz, 32, dating barangay executive official (EX-O), at residente ng Plaza Street, Barangay Tugatog ng nasabing lungsod.
Ayon kay PO3 Julius Mabasa, dakong 7:00 ng umaga, nakita ng mga residente ang bangkay ng biktima sa Nirvana St., Bgy. Tugatog, Malabon City.
Nakarinig umano sila ng tatlong putok ng baril at napansin ang dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo sa lugar kung saan nakita ang bangkay ng biktima.
Bukod sa kapirasong papel, narekober din ang isang plastic sachet na may lamang shabu.
Samantala, hindi umano kabilang sa drug watch list ng pulisya si Cruz. (Orly L. Barcala)