ISA sa mga tradisyon sa Pilipinas na hindi nalilimot na bigyang-buhay sa tuwing nalalapit ang araw ng Pasko ay ang SIMBANG GABI. Sa pagtunog ng repeke at kampana kahapon ng madaling araw, Disyembre 16, inihudyat ng pagsisimula ng Simbang Gabi.
Tampok sa Simbang Gabi ang Misa de Gallo na nagsisimula ng 4:00 ng madaling araw kasabay ng pagtilaok ng mga manok (Gallo sa Kastila). Dito hango ang salitang may kaugnayan sa Banal na Misa sa madaling araw. Ang Simbang Gabi ay simula ng pagdiriwang ng Pasko. Madaling araw ito karaniwang isinasagawa. Ngunit ngayon, isinasagawa na rin ito ng gabi na sinisimulan tuwing ika-15 hanggang ika-24 ng Disyembre.
Ang Simbang Gabi ay ang pagsisimba ng siyam na sunud-sunod na araw bilang paghahanda at pasasalamat sa pagsilang sa Banal na Mananakop na siyang pangakong Dakilang Alay ng Diyos Ama upang sumakop at tumubos sa sangkatauhan. Natatapos ang Simbang Gabi sa ika-24 ng Disyembre. Kasunod nito ang Christmas Eve Mass na pasasalamat at pagsalubong sa araw ng Pasko o pagsilang sa Dakilang Mananakop.
Nang dumating sa iniibig nating Pilipinas ang mga misyonerong Kastila noong ika-16 siglo, ipinakilala nila ang mga nobena at misa. Natuklasan ng mga misyonero na hindi nakapagsisimba at nakadadalo sa misa sa umaga ang mga katutubo sapagkat maaga pa ay nagtutungo na sa bukid para magtrabaho at alagaan ang kanilang tanim na mga palay. Dahil dito, nagpasiya ang mga misyonerong Kastila na idaos ang misa ng madaling araw. Sa ganito, nakilala ang MISA DE GALLO.
Naging mukha ng pananampalataya at pasasalamat sa Poong Maykapal sa mga biyayang natanggap sa buong isang taon.
Sa paglipas ng panahon, ang Simbang Gabi ay naging bahagi na ng tradisyon at kulturang Pilipino upang maipakita ang ating national identity o pambansang pagkakakilanlan na dapat pangalagaan. Isang magandang pagkakataon din para sa ating mga pagbabagong pansarili at panlipunan.
Ang Simbang Gabi ay isang gawain ng pagpapakasakit, pag-ibig at debosyon. Kailangan dito ang lakas at sakripisyo upang gumising at bumangon nang maaga sa malalamig na umaga ng Disyembre upang magtungo sa mga simbahan at bilang karagdagan, ng pagtupad sa normal na gawain at obligasyong panlipunan.
Sa Simbang Gabi, malalim na nakaugat ang pananampalataya ng mga Katolikong Pilipino. Ang pananalig sa nag-iisang Diyos na kasama sa kasaysayang pantao. Paraan ito ng pakikiisa ng mga Kristiyanong Pilipino. May naniniwala na ang pagdalo sa Misa de Gallo ay pagpapatunay ng moral vindication. May hatid na moral cleansing effect, magaang na pakiramdam at ginhawa sa puso, damdamin, at kalooban. (Clemen Bautista)