Makalalaya na si Rolito Go.
Ito ay matapos iutos ng Supreme Court (SC) ang agarang pagpapalaya sa ngayon ay 68-anyos nang si Go mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, 25 taon makaraan niyang barilin at mapatay ang estudyanteng si Eldon Maguan sa road rage incident noong 1991.
Sa utos ng Korte Suprema, na may petsang Nobyembre 28, 2016 at pirmado ni Wilfredo Lapitan, ang Division Clerk of Court, ipinag-utos sa director ng Bureau of Corrections (BuCor) na kaagad palayain si Go “from detention unless he is detained for any lawful cause.”
Sinabi naman ni BuCor Deputy Director for Operations Rolando Asuncion na si Go “needs to go to NBP (mula sa ospital) for his release.”
Napag-alamang natapos na ni Go ang kanyang 30-taong pagkakakulong noong Agosto 21, 2013.
Ilang taon nang naka-confine si Go sa Metropolitan Hospital sa Maynila dahil sa stage 4 colon cancer.
Taong 1993 nang mahatulan si Go sa pagpatay kay Maguan dahil sa away-trapiko noong Hulyo 2, 1991.
(Beth Camia at Jonathan Hicap)