Nasa 376 na higanteng Malay Scorpion ang nadiskubre sa isang abandonadong kargamento sa pantalan sa Palawan nitong Linggo, iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG).

Sinabi ng PCG na nakasilid sa mga lata ang mga scorpion at pinagkasya sa dalawang kahon sa isa sa mga kargamentong inabandona sa Liminangcong Pier sa Taytay, Palawan.

Tinatayang nagkakahalaga ito ng P564,000.

Nadiskubre ang kontrabando makaraang humingi ng responde sa Coast Guard Sub-Station (CGSS) Liminangcong ang isang empleyado sa pier tungkol sa mga kargamentong inabandona sa cargo holding area ng pantalan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon sa PCG, ang mga kargamento ay idineklara bilang mga kasoy at ibiniyahe ng isang “Marissa”, na ikakarga sana sa M/V Palawan Pearl patungong Maynila.

Kaagad namang nai-turnover ang mga nakumpiskang scorpion sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) sa El Nido para sa kaukulang disposisyon. (Argyll Cyrus B. Geducos)